top of page
Search
BULGAR

Paraan para makontrol ang pagtaas ng blood sugar

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | June 16, 2022




Matapos natin talakayin ang kahalagahan ng “periodic caloric restriction” o karaniwang popular na tinatawag na “intermittent fasting” at ang pagbabawas o pag-iwas sa pagkain ng karne, partikular ang red meat, ipagpatuloy nating suriin ang siyensya tungkol sa pagpapahaba ng ating “healthspan”.


Nakita natin sa nakaraang artikulo ang importansya ng siyensya ng protina kung saan ang pag-iwas sa ilang klase ng amino acids, tulad ng methionine, na nakapagpapahaba ng ating buhay, bukod sa ito ay makatutulong sa ating mabilis na pagpayat at pagbaba ng blood sugar. Malinaw na hindi lang ang pagkain ng carbohydrates ang magpapataas ng ating blood sugar levels, gayundin ang pagkain ng karne. Ang isang uri ng protina ay ang mga branched-chain amino acids, tulad ng leucine, isoleucine at valine.


Ayon sa pag-aaral, makakaapekto ang mga ito sa haba ng ating buhay dahil ito ay nakaka-activate ng mTOR. Matatandaang mula sa talakayan natin sa nakaraang artikulo na upang mapahaba ang buhay, kinakailangang ma-inhibit ang mTOR. Ang pagbabawas ng pagkain ng mga protina na naglalaman ng maraming branched-chain amino acids, tulad ng manok, isda at itlog, ayon kay Dr. David Sinclair, nakatutulong sa pag-improve ng ating metabolic health. Sa mga animal studies, nakitang ang pagtanggal ng branched-chain amino acid na Leucine sa diet ay nagpababa ng blood sugar.


Makikita natin na mula sa mga pag-aaral ng protina at epekto nito sa ating katawan, na ang paglipat mula sa pagkain ng protina galing sa karne papunta sa pagkain ng protina mula sa gulay ay makabubuti sa ating katawan, makaiiwas sa sakit sa puso at cancer at paghaba ng ating buhay. May advantages ang vegetable proteins (protina galing sa gulay). Bukod sa ito ay nag-i-inhibit ng mTOR (na nagpapahaba ng ating buhay), mababa rin ito sa calories at mayaman sa mga anti-oxidants (polyphenols).


Napag-alaman natin sa maraming scientific research na ang exercise ay nakatutulong upang mag-improve ang ating lung at heart health. Nakatutulong din ito na lumaki at lumakas ang ating mga muscles. Bukod sa mga nabanggit na epekto nito sa ating katawan ay may nakita pa ang mga research scientists na napakahalagang epekto nito – sa ating genes.


Ayon kay Dr. David Sinclair, sa pag-aaral na ginawa sa tulong ng Center for Disease Control (CDC) ng Amerika at inilathala noong 2017, ang indibidwal na nag-e-exercise ng 30 minutes, limang araw sa loob ng isang linggo ay may telomeres na mas bata ng sampung taon kumpara sa mga indibidwal na hindi nag-e-exercise. Ang telomeres ay parte ng ating mga genes na umiiksi habang tayo ay tumatanda. Ito ang dahilan kung bakit ito ay naging “marker” na ng ating pagtanda. Dahil sa epektong ito ng exercise at the cellular level (sa ating telomeres) kaya kinokonsider ng marami na ang exercise ay sikreto na nagpapabata (secret of youth).


Ilang minuto nga ba ng exercise ang kinakailangan natin gawin araw-araw upang makatulong ito sa pag-iwas sa sakit at paghaba ng buhay? Ayon sa pag-aaral ang pag-e-exercise ng 15 minuto araw araw ay makababawas ng 40 percent sa pagkamatay sa heart attack at pagbawas ng 45 percent sa all-cause mortality.


Ipagpapatuloy natin ang serye ng mga pamamaraan ayon sa mga scientific research kung paano mapahaba ang ating lifespan at healthspan sa mga susunod pa na artikulo. Ipagpatuloy lamang ang inyong pagsubaybay.

 

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com


0 comments

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page