ni Mharose Almirañez | July 21, 2022
Madalas ka bang mag-overthink? ‘Yung tipong, natutulala ka na lamang at kung saan-saang lupalop ng multiverse ka na dinadala ng iyong imaginations. ‘Yun bang, hindi ka makatulog kaiisip ng, “Paano kung totoo?” “Sino?” “Saan?” “Bakit?” “Kailan?”
Samu’t saring katanungan na pilit mong hinahanapan ng sagot, gayung wala ka namang dapat ipag-overthink. Ikaw lang itong paranoid sa kaiisip ng kung anu-ano, na tila kinulang ka sa tiwala’t para bang hindi mo naranasang mabigyan ng assurance sa kahit ano’ng aspeto. Naku, beshie, very wrong ang ganyang mindset!
Ipagpalagay nating nagkaroon ka ng isang overthinker na dyowa. Bilang concerned citizen, narito ang ilang tips na dapat mong gawin para maiwasan ang pag-o-overthink niya at hindi mauwi sa hiwalayan ang inyong relasyon:
1. ‘WAG GAWIN ANG MGA AYAW NIYA. Halimbawa, alam mo na ngang overthinker ang dyowa mo, pero paulit-ulit mo pa ring ginagawa ‘yung mga bagay na alam mong nakakapagpa-paranoid sa kanya. ‘Yung tipong, hindi ka concern sa feelings niya kahit pa alam mong masasaktan siya kapag ginawa mo ‘yung ayaw niya.
2. ‘WAG MO SIYANG IPA-PRANK. Usong-uso ito sa mga vlogger, eh. Pero beshie, maging sensitive ka naman sa feelings ng iyong dyowa, lalo’t alam mo na ngang overthinker siya. Siyempre, bago mo pa amining, “It’s a prank” ay kung saan-saang multiverse na nakarating ang utak niyan. So kung ayaw mong mabaliw siya sa kaiisip, ‘wag mang-good time. Okie?
3. ‘WAG MO SIYANG I-PROVOKE. ‘Yung tipong, hahamunin mo siya o ikaw pa mismo ang gagawa ng paraan at dahilan para magselos siya. ‘Yun bang, pinag-o-overthink mo siya intentionally. I don’t know what you’re up to, pero beshie, ‘wag na ‘wag mo siyang ipo-provoke para lang ma-test o i-challenge ang feelings niya for you dahil sobra-sobrang ‘pag-o-overthink ang maidudulot niyan sa kanya.
4. ‘WAG MAGING INCONSISTENT. Siyempre nasanay na siya sa napakaraming bagay na nakaugalian n’yong gawin together. Kung biglang magkakaroon ng pagbabago, d’yan na siya magsisimulang mag-overthink nang malala. ‘Yung tipong, kahit wala namang problema ay iisipin niyang, “Bakit parang ang cold mo?” o “Bakit parang nagbago ka na?”
5. ‘WAG MO SIYANG ISE-SET ASIDE. Bukod sa trabaho, pamilya at kaibigan ay iprayoridad mo rin ang inyong relasyon. Very wrong kung palagi mong isinasantabi ang dyowa mo, porke nasanay ka na sa presence niya at alam mong mahal ka niya, kaya nagiging kampante ka na.
Ang pag-o-overthink ay isang gawain na hindi dapat makaugalian dahil maaari itong magdulot ng toxic, trauma at torture sa ating isip. Utak ang inaatake ng overthinking, kaya kung ayaw mong mabaliw sa kaiisip sa ‘yo ang dyowa mo ay ‘wag na ‘wag mong gagawin ‘yung mga ayaw niya. Huwag mo siyang ise-set aside at ipo-provoke. Huwag ka maging inconsistent sa pagpaparamdam at pagpapakita kung gaano mo siya kamahal kung ayaw mong mauwi sa prank ang inyong relasyon.
Nakaka-healthy ng relationship, mindset and peace of mind kapag puro positive ang dahilan ng pag-o-overthink. ‘Yung tipong, mas looking forward kayo sa future. Kumbaga, kahit saang lupalop ng mundo man makarating ang inyong imaginations, “I love you in every universe,” pa rin.
‘Di ba?
Comments