@Buti na lang may SSS | February 13, 2022
Dear SSS,
Simula pa noong una ay hindi ako namasukan o nagtrabaho sa kumpanya kaya hindi ako naging miyembro ng SSS. Sa kasalukuyan ay mayroon akong mini grocery store.
Kaya nais kong malaman kung maaari ba akong makapaghulog sa SSS? - Marah
Sagot
Mabuting araw sa iyo, Marah!
Malugod naming ipinaaalam sa iyo na maaari kang maging miyembro ng SSS. Simula pa noong 1980 ay itinatakda ng SSS Law ang pagsakop sa mga self-employed na indibidwal na may buwanang kita na P1,000 o higit pa mula sa kanyang sariling negosyo o propesyon at walang employer, kung hindi pa siya umaabot sa 60 taong gulang.
Kabilang sa mga self-employed ay ang mga propesyunal tulad ng abogado o doktor, may sariling opisina man o wala, nagmamay-ari o magkasosyo sa negosyo, artista, direktor o manunulat ng pelikula na hindi itinuturing na empleyado, mga propesyunal na atleta, coaches, hinete at tagapagsanay, magsasaka at mangingisda, nagtitinda sa palengke, tricycle o jeepney drivers, o contractual at job order na empleyado na nagtatrabaho sa mga ahensiya ng pamahalaan.
Sa kasalukuyan, ang contribution rate ay 13% ng monthly salary credit na hindi hihigit sa P25,000.
Maaari mong ibatay ang halaga ng iyong magiging buwanang kontribusyon sa monthly salary credit o ang salary level kung saan nakabase ang iyong buwanang kita na idineklara mo sa registration form o SS Form E-1 (Personal Record). Ang 2021 Schedule of Contributions ay makikita sa SSS website, www.sss.gov.ph o kaya’y sa Facebook page nito sa Philippine Social Security System. Samantala, ang buwanang kontribusyon ng self-employed ay maaaring tumaas o bumaba sa idineklara sa registration form ayon sa iyong aktuwal na kinikita.
Halimbawa, ang idineklarang buwanang kita sa registration form ay P8,300. Batay sa Schedule of Contributions, ito ay katumbas sa 8,500 monthly salary credit at may kaukulang kontribusyon na P1,105 kada buwan kasama na ang P10 para sa iyong Employee’s Compensation (EC) contributions na may kabuuang halaga na P1,115 kada buwan.
Ang EC Program naman ay para sa mga work-related contingencies bunsod ng pagkakasakit, pagkabalda o kaya’y pagkamatay na maaaring mangyari sa self-employed na tulad mo habang nagtatrabaho. Dagdag-proteksyon naman ito bukod sa regular SSS benefits na matatanggap mo sa hinaharap.
Maaari ka nang kumuha ng SS number online. Magtungo lamang sa SSS website (www.sss.gov.ph) at i-click ang link sa No SS Number Yet? Apply Online! Kung ikaw ay may SS number, maaari na ring i-update ang membership mo sa online. Kinakailangan lamang na nakapagrehistro ka sa My.SSS na matatagpuan din sa SSS website. Dagdag dito, kailangan mo rin ang mga dokumentong tulad ng certified true copy ng iyong birth certificate upang mabigyan ka ng SS number. Kung wala kang birth certificate, maaaring isumite ang alinman sa mga sumusunod: baptismal certificate; driver’s license, passport; Professional Regulation Commission (PRC) card; o Seaman’s Book. Kung wala ang mga nasabing cards o dokumento, maaaring magpasa ng dalawang valid IDs gaya ng postal, senior citizen at voter’s ID, atbp.
Matapos nito, maaari ng magbayad ng iyong kontribusyon kada buwan o kaya ay quarterly. Para makapagbayad ka ng iyong kontribusyon, kailangan munang makakuha ng Payment Reference Number (PRN) para sa iyong gagawing pagbabayad. Maaari kang makapag-generate ng PRN gamit ang SSS Mobile App. Kinakailangan mong mag-log in sa nasabing mobile app gamit ang iyong existing na My.SSS username at password.
Sunod, i-tap mo ang “Generate PRN/SOA” icon na iyong makikita sa iyong mobile screen.
Matapos nito, i-tap mo ang “Create” at punuan mo ang mga hinihinging impormasyon gaya ng buwan, halaga ng babayarang kontribusyon at type ng membership. Kapag naibigay mo na ang lahat ng kailangang impormasyon, i-tap mo ang “SUBMIT” at lalabas ang iyong PRN/SOA.
Maaari itong i-download bilang PDF o di kaya’y magtuloy na sa pagbabayad.
Maaari kang magbayad ng iyong kontribusyon gamit ang My.SSS at SSS Mobile App maging sa alinmang sangay ng SSS, sa bangko o Bayad Centers.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”
Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.
Comments