top of page
Search

Paraan ng panliligaw noon, kaya pa ba ngayon?

BULGAR

ni Mharose Almirañez | August 4, 2022




“Uso pa ba ang harana?” ‘Yan ang tanong ng Parokya Ni Edgar. Makaluma man sa pandinig at paningin ng iba, hindi natin maitatangging isa lamang ‘yan sa mga pinapangarap na maranasan ng bawat kababaihan hanggang ngayon.


Minsan ba ay nasubukan mong itanong kay nanay kung paano sila nagka-ibigan ni tatay? Paano nila nalusutan ang butas ng karayom? Anong klaseng pangangaliskis ang ginawa nina lolo’t lola kay tatay para lamang makuha ang mga kamay ni nanay? Alam mo ba ‘yung pamamanhikan? Marunong ka bang manligaw?


Marahil ay hindi ka makaka-relate dahil— hello, it’s 2022! Ang gusto mo ay ‘yung instant, ‘yung easy to get o ‘yung one swipe away. Kaya bago mo pa tuluyang makalimutan kung paano manligaw, narito ang ilang paalala upang makuha ang loob ng iyong napupusuan:


1. SUMULAT NG LIHAM. Napakalaking bagay para sa mga kababaihan ang makatanggap ng handwritten poems, essays o love letters mula sa kanilang manliligaw. Sa ngayon kasi ay puro chat, text and call na ang nangyayari at bonus points na lamang ang handwritten letters.


2. DUMALAW SA BAHAY. ‘Yun bang, palaging may dalang pasalubong si boy sa tuwing aakyat ng ligaw. Dito ay matiyaga niyang kikilalanin, pakikisamahan at kakaibiganin ang buong angkan ng nililigawan. Ultimo pag-iigib ng tubig at pagsisibak ng kahoy ay bahagi rin ng panliligaw noon. Kumbaga, todo-effort silang magsilbi sa pamilya ng dalaga. Sa ngayon kasi ay nagaganap na ang ligawan sa mall, school at kanto. Minsan nga, wala nang ligawan, diretso one night stand na. ‘Yun bang, hindi pa man sila magkarelasyon ay may pa-kiss, hug and HHWW (holding hands while walking) na. Nakakalungkot mang isipin, pero dumarating sa puntong saka lamang nakikilala ng mga magulang ang karelasyon ng anak kung kailan buntis na ito.


3. PANGHAHARANA. Katulad ng nabanggit, napakalaking impact talaga ng panghaharana. Bahagi ito ng panliligaw na hindi dapat mawala noon. ‘Yun bang, sa kalaliman ng gabi ay biglang may tutugtog sa labas ng bahay n’yo at pagdungaw mo sa bintana ay matatanaw mo ‘yung manliligaw mo na nakatingala sa iyo, habang kinakanta ang Paraluman kasama ang tropa. Naku, beshie, deserve mo ma-feel ‘yan, kaya don’t settle for less.


4. MAGING GENTLEMAN. ‘Yun bang, pagbubuksan nila ng pintuan o ipaghihila ng upuan ang kanilang nililigawan. Hindi sila nangangawit sa paghawak ng payong at pagbibitbit ng mga dala ni ate girl. Sila ‘yung literal na gentleman, like hindi touchy at hindi nagte-take advantage, partikular na sa nililigawan. Kumpara ngayon, bihira ka na lamang makakita ng lalaki na maggi-give way ng upuan sa punuang jeep para mapaupo ang isang babae o senior citizen.


5. LALAKI ANG NANLILIGAW. Sa mindset ng mga Pinoy, lalaki naman talaga ang dapat manligaw. ‘Yung tipong, kahit gustong-gusto na umamin ng babae sa kanilang natitipuhan noon ay pilit nilang inililihim ang damdamin. Hinding-hindi sila nagpapakita ng motibo. Pero ngayon, babae na rin ang gumagawa ng paraan para mapansin ng lalaki.


Ang totoo, wala namang kaso kung babae ang magpi-first move. Wala ring kaso kung gaano katagal na kayong nagliligawan o kung gaano n’yo na kakilala ang isa’t isa, sapagkat ‘yun ngang mga dumaan sa proseso at inabot nang isang taon ang pagliligawan ay nauwi rin sa wala, kaya anong sense kung patatagalin n’yo pa?


Sabi nga ni late President Ferdinand Marcos Sr., “Just love me now, and I will court you forever.”


Gayunman, iba pa rin talaga ang pakiramdam kapag itinatrato ka nang tama. ‘Yun bang, hindi lamang siya puro salita kundi suportado rin nang pagiging dedicated, passionate, faithful at consistent niya. Kumbaga, sigurado kang seryoso talaga siya sa ‘yo at walang halong pag-o-overthink.


Gets mo?



0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page