ni Jasmin Joy Evangelista | April 7, 2022
Inanunsiyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Miyerkules na naka- “heightened alert” na sila mula April 8, para sa Semana Santa at summer season.
Ayon sa LTFRB, naka-“heightened alert” sila hanggang April 18, 2022, bilang pagtalima sa direktiba ng Department of Transportation: “Oplan Biyaheng Ayos: Summer Vacation 2022.”
Kaugnay nito, ipinag-utos ni LTFRB Chairman Martin Delgra III sa lahat ng agency leaders na siguruhin ang safety at security ng lahat ng pasahero at pagsunod ng mga Bus Terminals sa guidelines ng LTFRB, kung saan inaasahan ang mabigat na daloy ng trapiko dahil sa Semana Santa.
Magsasagawa rin ng random inspections ang LTFRB sa mga bus upang matiyak ang “road worthiness” at kaligtasan ng mga commuter.
Sinabi rin ng LTFRB na maaaring pumunta ang mga pasaherong pauwi ng probinsiya sa mga sumusunod na terminal sa Metro Manila: Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), Santa Rosa Integrated Terminal (SRIT), North Luzon Expressway Terminal (NLET), at Araneta Center Terminal.
Ang mga pribadong terminal naman sa Metro Manila ay maaaring ma-access ng bus operators mula 10 p.m. hanggang 5 a.m. base sa “window scheme” na ipinatutupad ng Metropolitan Manila Development Authority.
“Maglalagay din ng mga Malasakit Help Desk na maaaring pagtanungan o pagsumbungan ng mga mananakay,” ani LTFRB.
“Ipoposte ang mga Malasakit Help Desk sa mga naitalagang Integrated Terminal Exchange na nauna nang nabanggit at sa mga lugar malapit sa mga pribadong terminals,” dagdag pa nito.
コメント