ni Lolet Abania | May 22, 2022
Asahan na ang Senate at ang House of Representatives na magpapasa ng guidelines para sa kanilang sariling canvassing ng mga certificates of canvass (COC) sa katatapos na 2022 elections kapag nagpatuloy na ang kanilang mga sessions, ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Sa isang radio interview ngayong Linggo, sinabi ni Comelec Commissioner George Garcia na ang 172 mula sa 173 COCs na na-canvass na ng Comelec, tumatayo bilang National Board of Canvassers (NBOC), ay maaaring naipasa na sa Congress sa oras ng pagsisimula ng official count ng mga votes para sa pagka-pangulo at pagka-pangalawang pangulo.
“Sa aking palagay, ang una nilang gagawin, ang first agenda nila, siguradong sigurado ‘yung pagpasa ng rules, ‘yung guidelines ng canvassing nila. Hindi po nila siyempre ia-adopt ‘yung rules namin ng canvass at sa pagkakaalam natin, nag-draft na sila ng kanilang rules at for approval bukas ng Senado at saka Mababang Kapulungan,” saad ni Garcia.
Sa ilalim ng 1987 Constitution, ang mga election returns (ER) ng bawat halalan para sa pangulo at bise presidente, na duly certified ng board of canvassers ng kada probinsiya o lungsod, ay kailangang i-transmit ang mga ito sa Congress, direkta sa Senate President.
Nakasaad pa rito, “Upon receipt of the certificates of canvass, the Senate president shall, not later than 30 days after the day of the election, open all the certificates in the presence of the Senate and the House of Representatives in joint public session, and the Congress, upon determination of the authenticity and due execution thereof in the manner provided by law, will canvass the votes.”
Sa Mayo 23, nakatakda naman ang Senate at ang House of Representatives na mag-resume ng kanilang mga sessions.
Matapos nito, ang Congress ay magko-convene na NBOC para simulan ang opisyal na bilangan ng mga boto sa pagka-pangulo at pagka-pangalawang pangulo.
Gayunman, ayon kay Garcia, teknikal na magsisimula ang Congress ng kanilang canvassing sa Martes, mula alas-10:00 ng umaga hanggang alas-10:00 ng gabi.
Samantala, nakatakda ang Comelec na magsagawa ng special elections sa Tubaran, Lanao del Sur – ang nag-iisang lugar na nakatakda namang magsumite ng kanilang COC sa Mayo 24, matapos na mai-report ng failure of elections na unang sinabi ni acting poll spokesperson John Rex Laudiangco.
Kaugnay nito, naghahanda na ang Senado para sa paglilipat sa Batasang Pambansa ng mga COC at ER sa pag-canvass nito at sa napipintong proklamasyon ng mga nagwagi sa presidential at vice presidential race. Bukas nakatakdang dalhin sa Batasang Pambansa ang mga naturang COC at ER, habang ihahanda muna ng mga tauhan ng Office of the Senate Sergeant-at-Arms ang mga ballot boxes na naglalaman ng mga ito.
Ayon kay Senate Sergeant-at-Arms Gen. Rene Samonte, alas-4:00 ng madaling-araw ng Lunes, ililipat sa Kamara ang mga ballot box.
Tutulong naman ang Philippine National Police (PNP) sa kanila para matiyak ang seguridad ng paglilipat ng mga ballot boxes habang isinasakay ang mga ito sa mga trak ng militar.
Yorumlar