top of page
Search
BULGAR

Para sa mga nambibintang, dapat may sapat na pruweba

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | June 21, 2024


Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta


Napakahirap na mapagbintangan sa krimen na wala ka namang kinalaman. Ang katahimikan ay mawawala sa isang iglap, hukay ng iyong kalayaan ang sa iyo ay haharap.


Mabuti na lamang at mayroon tayong hukuman na titimbangin ang lahat upang maihatid ang katarungan. Sapagkat walang sinuman ang dapat malagay sa piitan kung ang kanyang kaugnayan sa krimen ay hindi napatunayan.


Ang batayang kaso na aming ibabahagi sa araw na ito na hawak ng aming Tanggapan, ang People of the Philippines vs. Benjamin Mella y Sandig (CA-G.R. CR HC NO. 14488, April 16, 2024, Ponente: Honorable Court of Appeals Associate Justice Alfonso C. Ruiz II [3rd Division]), ay isang halimbawa para sa mga inaakusahan na hindi dapat mawalan ng pag-asa.


Darating ang araw na makakamtan n’yo rin ang karapat-dapat na katarungan.Si Benjamin ang paksa ng nasabing kaso. Siya ay sinampahan ng kasong Simple Arson na paglabag sa Section 1 ng Presidential Decree (PD) No. 1613.


Batay sa information na inihain laban sa kanya, sinunog umano ni Benjamin ang dalawang bahay na matatagpuan sa Aroroy, Masbate. Ang isa ay pagmamay-ari ni Boberto habang ang isa ay pagmamay-ari ni Mary Joy. Ang kabuuang pinsala na tinamo ay nagkakahalaga ng P320,000.00.


Agosto 30, 2009, nang mangyari ang insidente, pero noong Disyembre 7, 2015, lamang naaresto at nailagay sa kustodiya ng pulis si Benjamin.Batay sa bersyon ng tagausig, nasa kanyang bahay si Mary Joy, noong hapon ng Agosto 30, 2009.


Pinuntahanan umano siya ng kanyang kapatid na si Boberto at ibinalita na tumakas si Benjamin sa piitan at kasalukuyang nakikipag-inuman sa kanilang kapitbahay. Si Benjamin umano ang pumaslang sa kanilang panganay na kapatid.


Makalipas ang ilang oras, napansin ni Mary Joy na lumipat ng bahay na pinag-iinuman sina Benjamin. Bandang alas-6 ng gabi, habang siya ay naghuhugas sa kanilang kusina, sumilip si Mary Joy sa isang butas at nakita niya si Benjamin na umiihi sa likod-bahay ng kanyang kapitbahay.


Naiilawan diumano ang naturang lugar kung kaya’t malinaw na nakita ni Mary Joy si Benjamin. Narinig din niya na sinabi ni Benjamin, “Buwas may paglalamayan gayud” o “Bukas ay mayroong paglalamayan.” 


Dahil sa takot na manakit si Benjamin, nilisan ng pamilya ni Mary Joy, kasama ang kanyang nakababatang kapatid na si Jobert at ang pamilya nito, pansamantala silang tumuloy sa bahay ng kanilang mga magulang na may sampung metro ang layo mula sa kanilang bahay. Bandang alas-10 ng gabi, nakarinig na umano si Mary Joy ng mga sigaw na nasusunog na ang kanilang bahay.


Sinubukan umano nilang humingi ng tulong, subalit walang sumaklolo sa kanila, sapagkat natatakot din ang mga otoridad kay Benjamin. Kinabukasan, nakita na lamang ni Mary Joy na sunog na ang kanilang tahanan.


Sa kanyang cross-examination, sinabi diumano ni Mary Joy na hindi niya nakita na sinunog ni Benjamin ang kanilang bubong na gawa sa anahaw, ngunit sinabi umano ito sa kanya ni Boberto. Ang lahat ng kanilang pag-aari ay natupok sa sunog, ngunit wala na silang katibayan ng halaga ng tinamong pinsala.


Tumestigo rin para sa tagausig si SPO2 Pusing, ang Municipal Fire Marshal ng Aroroy Fire Station. Sa imbestigasyon ay lumabas umano na sinadya ang panununog. May nakita pang mga pinatuyong tangkay ng niyog na ginamit umano ng inakusahan upang sunugin ang mga nasabing bahay.


Mariing pagtanggi at alibi ang naging depensa ni Benjamin. Ayon sa kanyang testimonya, siya ay nasa Antipolo, sa kustodiya ng isang “Sergeant Cabasbas” bago o pagkatapos ng Agosto 30, 2009.


Hindi umano siya pumunta sa barangay na pinangyarihan ng insidente. Inamin din ni Benjamin na siya ay nakulong dahil sa kasong Murder at pumuga noong Agosto 30, 2009. Gayunman, guilty beyond reasonable doubt sa krimen na Simple Arson ang ibinaba ng Regional Trial Court (RTC).


Pinatawan si Benjamin ng parusa na reclusion perpetua at pinagbabayad ng P300,000.00 bilang temperate damages, P50,000.00 bilang moral damages at P30,000.00 bilang exemplary damages, na mayroong anim na 6% bawat taon hanggang sa mabayaran ang kabuuan ng mga ito.


Naghain ng apela sa Court of Appeals (CA) si Benjamin. Iginiit niya na hindi umano napatunayan ng tagausig ang elemento ng krimen na intensyonal na panununog pati na ang pagkakakilanlan ng gumawa ng krimen.


Ibinatay lamang din umano ng RTC ang hatol nito sa marahil ay hindi totoo o improbable na testimonya ng mga saksi ng tagausig.Iginiit din ni Benjamin sa kanyang Appellant’s Brief na hindi napatunayan ng tagausig ng lampas sa makatuwirang pagdududa na siya ang may-akda ng krimen.


Maliban umano sa narinig ni Mary Joy na, “Bukas ay mayroong paglalamayan,” wala na umanong ibang ebidensya na magtuturo na siya ang gumawa ng panununog. Hindi rin umano dapat gawing batayan ang ginawang imbestigasyon kaugnay sa panununog, sapagkat tanging ang panig ng nagrereklamo lamang ang kinuhanan ng panayam ng mga nag-imbestiga at ang mga ito umano ay mayroong motibo na paratangan siya, sapagkat siya ang kanilang pinagbibintangan na pumaslang sa kanilang kapatid.


Matapos ang masusing pag-aaral, nakitaan ng CA ng merito ang apela ni Benjamin. Ayon sa appellate court, hindi umano napatunayan ng tagausig ng higit sa makatuwirang pagdududa na si Benjamin ang may-akda ng panununog.


Napuna rin ng CA na walang direktang ebidensya, at umasa ang tagausig sa circumstantial evidence. Gayunman, hindi umano sumapat ang ebidensya na ipinrisinta ng tagausig sa hukuman alinsunod sa hinihingi sa ilalim ng Section 5, Rule 133 ng Rules of Court. Una, bagaman nakita umano ni Mary Joy si Benjamin sa lugar na pinangyarihan ng insidente bago ito naganap, at ang pagkakakulong nga ni Benjamin dahil sa bintang na pamamaslang sa kapatid ni Mary Joy ay maaaring magdulot ng haka-haka na si Benjamin ang gumawa ng panununog, hindi umano sapat ang mga ito upang masabi na si Benjamin nga ang gumawa ng krimen. Ikalawa, ang ipinrisinta umanong ebidensya ng tagausig ay patungkol lamang sa mga naganap bago at matapos ang panununog. 


Ikatlo, bagaman sinabi ni Mary Joy na naroon si Benjamin sa kanilang lugar, wala umanong ibang tumestigo na nakita nga si Benjamin nang magsimula ang sunog. Sa katunayan, wala umanong iba pang tumestigo na nakita nila si Benjamin, noong araw ng insidente.


Bagaman mayroon umanong iba pang mga nagsumite ng kanilang sinumpaang-salaysay na pinaparatangan si Benjamin sa krimen, kabilang na si Boberto, hindi umano tumestigo ang mga ito sa pagdinig sa hukuman.


Kung mayroon man, hinala lamang umano ang naitaguyod ng mga ebidensya ng tagausig. Ipinaalala ng CA, ang hinala ay hindi sasapat upang hatulan ang akusado dahilan sa proof beyond reasonable doubt ang kinakailangan mapatunayan sa hukuman.


Binigyang-diin ng CA, sa panulat ni Honorable Associate Justice Alfonso C. Ruiz II ng 3rd Division, ang kahalagahan ng pagpapawalang-sala sa akusado kung mayroong makatuwirang pagdududa sa kanyang kasalanan, alinsunod sa desisyon ng Korte Suprema sa kasong People v. Santos, (G.R. No. 127500, June 8, 2000):


“Our ruling to acquit does not hold a corollary upholding of the credibility of the testimony of accused-appellant. The basis of the acquittal is reasonable doubt, which simply means that the evidence of the prosecution was not sufficient to sustain the guilt of accused-appellant beyond the point of moral certainty. Proof beyond reasonable doubt, however, is a burden particular to the prosecution and does not apply to exculpatory facts as may be raised by the defense; the accused is not required to establish matters in mitigation or defense beyond a reasonable doubt, nor is he required to establish the truth of such matters by a preponderance of the evidence, or even to a reasonable probability. An acquittal based on reasonable doubt will prosper even though the accused's innocence may be doubted, for a criminal conviction rests on the strength of the evidence of the prosecution and not on the weakness of the defense.”


Ang ibinabang desisyon ng CA na nagpapawalang-sala kay Benjamin ay naging final and executory noong ika-16 ng Abril 2024.


Nawa’y magsilbing aral ang kasong ito na kung tayo ay mambibintang, siguraduhin na mayroon tayong sapat na ebidensya sa bawat paratang. Hindi natin iniaalis na makamtan ng nag-aakusa ang katarungan na ninanais.


Subalit, kapalit ng bawat bintang ay ang posibilidad ng kawalan ng kalayaan ng inaakusahan. Kung kaya’t upang masiguro na sa kaso ay mananalo, matibay na ebidensya ang isumite ng nagrereklamo sa husgado. Kung ang may-akda ng krimen ay hindi mapatunayan nang higit sa makatuwirang pagdududa, ang inakusahan ay mapapawalang-sala.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page