ni Zel Fernandez | April 23, 2022
Matapos ang pananalasa ng Bagyong Agaton, partikular sa bahaging Visayas at Mindanao, agad na nagpahiwatig ng suporta ang pamahalaan sa lahat ng mga pamayanan na lubhang naapektuhan ng kalamidad, katuwang ang Department of Agriculture (DA).
Batay sa panayam kay Department of Agriculture (DA) - Philippines Asec. Arnel De Mesa, mayroong P662.5 milyon na halaga ng ayuda ang kanilang inihanda para sa mga magsasaka at mangingisdang labis na naapektuhan ni ‘Agaton’ sa mga isla ng Visayas at Mindanao.
Ayon sa DA, mula sa binanggit na ayuda ay nakalaan ang P40,000 sa animal stocks, drugs, at biologics para sa livestock at poultry sa rehiyon ng CARAGA, habang bibigyan naman ng kani-kanyang pondo ang iba pang rehiyon base sa kanilang pangangailangan.
Mula rin sa nasabing pondo manggagaling umano ang P500-M budget para sa Quick Response Fund na gagamitin sa rehabilitasyon ng mga apektadong lugar, P42-M halaga ng mga palay, P16.76-M katumbas ng mga pananim na mais, P3.61-M halaga ng mga gulay at P100-M sa ilalim ng Survival and Recovery Assistance Program of the Agricultural Credit Policy Council (ACPC) for Western Visayas.
Inaasahang makatutulong ito sa mga apektadong pamilya na makabangon muli, kasabay ng pagbibigay-pansin sa tulong pinansiyal na kakailanganin upang maisalba ang kanilang kabuhayan.
Samantala, matatandaan na nauna nang nagpahayag ang NDRRMC na umabot na sa halagang P64,028,560 assistance ang naibigay sa mga apektadong lugar.
コメント