ni Ryan Sison @Boses | Feb. 4, 2025
Para sa mga kababayan na naghahanap ng kanilang mapapasukan, lalo na iyong mga first time pa lamang, dapat na mag-ingat at suriin itong mabuti bago tuluyang mag-apply.
Ito ang naging babala ng Department of Labor and Employment (DOLE) matapos ang mga report ng pekeng nag-aalok ng trabaho at financial scams na nananamantala ng mga job hunter.
Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, pinaigting na ng kagawaran ang kanilang pagsisikap na labanan ang mga tinatawag na job scam sa gitna ng patuloy nilang mga hakbangin upang protektahan ang mamamayan mula sa mga scammer na ginagamit ang pangalan at mga programa ng DOLE.
Ipinaalala naman ng kalihim ang nangyari sa nakalipas na dalawang taon, kung saan ginamit ng mga scammer ang larawan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang i-promote ang pekeng financial assistance sa ilalim ng programang pangkabuhayan ng DOLE na Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD).
Sinabi rin ni Laguesma na bukod sa kanilang patuloy na information dissemination sa pamamagitan ng telebisyon, radio at social media, nakikipag-ugnayan na rin sila sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at law enforcement agencies dahil aniya, ang prosecution at enforcement ay kanilang pangunahing responsibilidad.
Gayundin aniya, binibigyan nila ng inputs ang mga kaukulang ahensya, habang pinalalakas naman nila ang kanilang information technology infrastructure para malabanan ang mga cyberthreats.
Matindi na talaga ang estilo ng mga scammer, na pati ang mga naghahanap pa lamang ng ikabubuhay ay pinupuntirya na nilang lokohin.
Alam kasi ng mga mandarambong na ito na madali nilang mapapaniwala ang mga kababayan sa konting buladas ng mga pananalita o messages nila, lalo na ang mga online job offers.
Marami rin sa mga scam ang nagsasabi na makakatanggap daw ng cash assistance sa pamamagitan lamang ng pagrehistro nila.
At siyempre sa kagustuhan na magkaroon agad ng pagkakakitaan, hindi na tsinitsek kung lehitimo ba o peke ang kumpanyang nag-aalok ng trabaho.
Kaya sa mga kababayan, dapat na magtanong muna sa kinauukulan kung nakarehistro sa Securities and Exchange Commission ang kumpanyang gustong pasukan at huwag basta-basta mag-a-apply. Kailangang magdoble-ingat para hindi mabiktima ng mga scammer.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments