ni Lolet Abania | February 22, 2022
Ipinag-utos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga local government units (LGUs) na dapat nilang palakasin ang mga Botika ng Bayan at Botika ng Barangay programs sa gitna ng mga reports na ilang sari-sari stores ang nagbebenta ng mga medisina at at pekeng gamot na ipinagbabawal sa batas.
Una nang hinimok ni DILG Secretary Eduardo Año, ang mga LGUs na mag-isyu ng mga ordinansa hinggil sa pagbabawal nito, at sa Philippine National Police (PNP) na arestuhin ang mga violators na mababatid na sangkot sa hindi awtorisadong pagbebenta ng mga gamot.
“Mayroon din tayong pag-uutos na i-strengthen ng ating mga LGUs ‘yung mga ibang programa ng pamahalaan katulad ng Botika sa Barangay at saka Botika ng Bayan,” pahayag ni Año sa isang interview ngayong Martes.
Ayon kay Año, mayroong tinatayang 170 Botika ng Bayan outlets ang itinayo ng pamahalaan sa buong bansa.
Matatandaan na ang Botika ng Barangay program ay inilunsad sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong 2001. Ito naman ay ni-revived noong 2018 sa ilalim ng pangalang Botika ng Bayan.
“’Yung Botika ng Barangay dating programa simula pa sa panahon ni GMA na kung saan sa mga barangay tinutulungan din ng LGU na ang isang committee or organization or isang NGO puwede magtayo ng drug outlet basta mayroong isa lang nagsu-supervise na pharmacist at tinutulungan natin ‘yan na maaprubahan para ito magsisilbing bilihan na mga gamot na mas mura kesa doon sa tinatawag na drugstore,” paliwanag ni Año.
“’Yung Botika ng Bayan eto sinimulan ‘yan sa panahon ni Pangulong Duterte noong 2018, mga 4th and 5th class municipalities ‘yung malalayo libre naman to ‘yung mga gamot na ordinaryong sakit libre ‘yan sa mga 170 Botika ng Bayan mayroon tayo sa buong bansa, kaya maganda na i-strengthen natin ‘yan,” dagdag ng opisyal.
Ayon kay Año, naglaan ang Department of Health (DOH) ng budget sa naturang programa at aniya, nagdagdag pa ang ahensiya ng pondo para rito upang matiyak na magkakaroon ang mga malalayong munisipalidad ng Botika ng Bayan.
Comments