ni Mai Ancheta | June 27, 2023

Lusot ang instant noodles sa mga pagkaing planong patawan ng buwis ng gobyerno na nasa kategorya ng junk foods.
Sa press briefing ni Finance Secretary Benjamin Diokno nitong Lunes, sinabi nitong bagama't maalat o mataas ang sodium content ng instant noodles, hindi ito kasama sa planong patawan ng buwis dahil pagkain aniya ito ng mahihirap.
"If you're thinking of the noodles, 'yun talaga salty 'yun. That's 60% sodium content, hindi naman iko-cover 'yun. 'Yun ang talagang para sa mahihirap," ani Diokno.
Batay sa pahayag ng mga eksperto sa nutrisyon, nasa 1,500 hanggang 2,000 milligrams ang sodium ng isang pack ng instant noodles na hindi maganda sa kalusugan kapag madalas itong kainin sa isang araw.
Batay sa rekomendasyon ng mga eksperto, dapat nasa 2,300 mg. lamang ang konsumo ng sodium ng isang tao sa isang araw dahil sa peligro nito sa kidney.
Batay sa plano ng gobyerno, magsusulong ng bagong tax measure para sa mas mataas na buwis sa mga junk food at matatamis na mga inumin na may negatibong epekto sa kalusugan.
Kommentare