ni Lolet Abania | February 4, 2022
Muling magsasagawa ang bansa ng national COVID-19 vaccination drive sa ikatlong pagkakataon sa Pebrero 10 at 11, habang ang nationwide roll-out ng bakunahan para sa kabataang edad 5 hanggang 11 ay sa Pebrero 14, ayon sa isang opisyal ng Department of Health (DOH) ngayong Biyernes.
Sinabi ni DOH Undersecretary Myrna Cabotaje, head ng National Vaccination Operations Center, layon ng “Bayanihan Bakunahan” program na mas madagdagan ang pagbabakuna ng mga matatanda o senior citizens at mga indibidwal na may comorbidities, kung saan sa ngayon, nasa 60 hanggang 70 porsiyento ng mga edad 60 at pataas ang nabakunahan na kontra-COVID-19.
“Nationwide, although ipa-prioritize sa areas na kailangang-kailangan ng additional boost ang kanilang vaccine coverage sa senior citizens,” ani Cabotaje.
“Vaccination works. Ito po ay pinakita sa Omicron surge sa NCR (National Capital Region). Mabilis bumaba (ang mga kaso) dahil marami ang nagpabakuna,” sabi pa ng opisyal.
Samantala, ang nationwide roll-out ng COVID-19 vaccines para sa mga edad 5 hanggang 11 ay isasagawa sa Pebrero 14. Ang pagbabakuna sa naturang age group ay magpapatuloy pa rin sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Central Luzon at Calabarzon sa Lunes, Pebrero 7, bago ang gagawing nationwide rollout, na unang inanunsiyo ng DOH.
Ayon kay Cabotaje, ilang 780,000 Pfizer vaccines na para sa mga kabataang edad 5 hanggang 11 ay nakatakdang dumating ng gabi ng Biyernes matapos na aniya, ang third party logistics partner ng ahensiya ay mabigong i-load ang mga ito sa eroplano nitong Huwebes.
“They tried all their best to have alternate routes at saka saan puwede dalhin pero hindi nakaabot. We’re sure it’s going to be delivered this afternoon kasi nakasakay na yan kahapon,” paliwanag ni Cabotaje sa isangt televised public briefing.
“It has already left Brussels. It was in Hong Kong, it’s going to arrive tonight. Meron na rin kaming allocation per area depende kung ano ang na-submit nilang immediate registration,” dagdag ng kalihim.
Sinabi rin ni Cabotaje, na isa pang batch ng ilang 780,000 doses ng Pfizer vaccines ang nakatakda namang i-deliver sa Pebrero 9.
Aniya, nasa tinatayang 160,000 mga bata, kabilang ang 100,000 minors sa Metro Manila, ang nakapagrehistro na sa vaccination.
Ayon naman kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang mga nakaiskedyul ng pagbabakunang menor-de-edad ay kanilang isinaayos habang iniurong ang mga petsa nito.
• Pebrero 4 , gagawing Lunes, Pebrero 7
• Pebrero 5, gagawing Martes, Pebrero 8
• Pebrero 7 at Pebrero 8, gagawing Miyerkules, Pebrero 9
Batay sa DOH data, sa ngayon ay nasa 59.4 milyong indibidwal na ang fully vaccinated habang 60.5 milyon Pinoy naman ang nakatanggap ng initial dose.
May tinatayang 7.7 milyong katao ang na-administer ng booster shots hanggang nitong Miyerkules.
Comentarios