ni Jeff Tumbado | May 26, 2023
Hinimok ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos, Jr. ang mga may balak tumakbo sa darating na Barangay at SK Elections 2023 na sumailalim sa drug test.
"Sa lahat ng tatakbo, we are fighting a war that is a global problem. Kung gusto n'yo tumakbo, manilbihan sa bayan, one of the biggest problems is drugs. Siguro magpa-drug test kayo, ipakita n'yo handa kayo maglingkod. I am calling out to all candidates," pahayag ni Abalos.
Kasabay nito, inatasan na rin ng kalihim ang Philippine National Police (PNP) na masusing bantayan at i-monitor ang nasa 430 barangay officials sa buong bansa na sangkot umano sa ilegal na droga.
Sa kanyang parte, sinabi ni PNP chief Gen. Benjamin Acorda, Jr., na pinakamaraming barangay officials na kanilang mino-monitor ay sa Region 6 o Western Visayas.
Pero giit ng opisyal, susuriin pa nila ang mga natanggap na impormasyon.
Umapela naman si Acorda sa mga botante na suriing maigi ang mga ibobotong barangay officials.
Comments