ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | May 9, 2024
Ayon kay Claudine Barretto ay zero pa rin ang kanyang love life simula nang maghiwalay sila ng asawang si Raymart Santiago at hindi raw siya nag-e-entertain ng mga suitors.
“Wala pa ring laman ang puso ko kundi mga anak ko,” sey ng aktres nang matanong tungkol sa estado ng puso niya sa mediacon ng pelikula niyang Sinag.
Sa mata ng Diyos at sa mga tao na rin ay may asawa pa rin daw siya since hindi pa nga annulled ang kasal nila ni Raymart.
“Sa ilang years kong hiwalay, kasal pa rin ako,” sey niya.
Bagama’t may mga nali-link daw sa kanya, aniya ay walang katotohanan lahat ‘yun.
“Hindi ako nag-a-accept ng suitors ngayon. Although may mga tsismis, pero wala namang proof na meron. Sarado ang puso ko ngayon hanggang ma-annulled,” aniya.
Isa pa ngang rason kung bakit ayaw pa niyang magkaroon ng karelasyon sa ngayon ay dahil sa kanyang mga anak.
“Ayokong makita ng mga anak ko na may ibang lalaki na umaaligid or magkaroon ako ng ibang relasyon until matapos ang annulment namin ni Raymart,” pahayag ng aktres.
At kahit ano pa man daw ang nangyari sa kanilang relasyon ni Raymart, labas naman dito ang mga bata kaya mahal na mahal pa rin ng kanyang mga anak ang kanilang ama.
“They love their dad very much,” sambit ni Claudine sa relasyon ng mga anak kay Raymart.
“Kung anuman ang problem namin ni Raymart, sa amin na lang 'yun. As they grow old, alam na nila kung ano ang nangyayari.
“I explain to them that there are things I have to fight for and this is para sa inyo. Hanggang du’n lang ang explanation ko. ‘Yung mga details, wala na,” saad ng aktres.
Samantala, aktibung-aktibo ulit si Claudine sa kanyang movie career dahil matapos magbida sa pelikulang Loyalista: The Untold Story of Imelda Papin, sisimulan naman niya ngayon ang Sinag, kung saan ay kasama niya ang kanyang anak na si Quia Aryanna.
Ayon kay Claudine, tinanggap niya ang Sinag dahil sobrang nagustuhan daw niya ang script. May pagka-fantasy ang movie kung saan ay gaganap siya bilang diwata, but at the same time ay tatalakay din sa iba’t ibang issues na napapanahon.
Sey ni Direk Elaine Crisostomo about the film, “It will be women empowerment, LGBTQ equality, meron tayong PWD awareness, so halos lahat ng awareness, bullying, meron din po tayo, so all-in-one po ang pelikula.”
Magsisimula na ang shooting ng Sinag ngayong May 28.
Kommentare