ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | February 5, 2023
Noong nakaraang araw, nakipagpulong tayo sa mga local salt industry stakeholders para pag-usapan kung dapat na bang amyendahan ang RA 8172, na mas kilala bilang ASIN (Act for Salt Iodization Nationwide) Law.
Napag-alaman natin sa isang pagdinig sa Senado na umaabot na sa 93% ng ibinibentang asin sa bansa ang imported, at 7% na lamang ang gawa sa Pilipinas.
Hindi natin matanto kung paano humantong sa ganito ang lokal na produksyon ng asin sa bansa sa kabila ng pagkakaroon ng Pilipinas ng isa sa pinakamahabang baybayin sa mundo.
Napapalibutan ang ating bansa ng tubig-dagat at mayroon tayong 36,000-kilometer shoreline na maaaring gamitin sa paggawa ng asin.
Sa kabila nito, bumaba na sa 42,000 metric tons (MT) ang salt production sa bansa kumpara sa 240,000 MT per year noong dekada sisenta at sitenta.
☻☻☻
Naisabatas ang ASIN Law noong 1995 at nakasaad dito na kailangang lagyan ng iodine ang asin bago ilabas o ibenta sa merkado para makatulong sa pag-iwas sa iba’t ibang uri ng sakit tulad ng goiter.
Sa kasamaang-palad, hindi lahat ng salt farmers ay kaya ang dagdag na gastos sa paglalagay ng iodine. Kulang din ang kanilang kaalaman sa pag-iodize dahil mahirap at matrabaho ang proseso nito.
☻☻☻
Hindi tayo tutol sa paglalagay ng iodine sa asin dahil nakakatulong ito na labanan ang problema ng iron deficiency.
Ang mas mahalagang pagtuunan ng pansin ay kung paano natin mabibigyan ng suporta ang industriya ng asin sa bansa, lalo na ang maliliit na salt farmers.
Sa kasalukuyan, hinihimok natin ang ating mga local salt business at cooperatives na makipagtulungan sa Philippine Coconut Authority para siguraduhing locally-produced salt ang bibilhing pataba para sa ating mga niyog.
Nananawagan din tayo sa Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) na tulungan ang ating mga local salt farmers, lalo na sa paghahanap ng mga mamumuhunan na magdadala ng modernong teknolohiya sa kanila.
Patuloy tayo sa pakikipagpulong sa lahat ng local salt industry stakeholders at sisiguraduhin natin na hindi aalatin ang industriya ng asin sa ating bansa.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBin
Kommentare