ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Jan. 19, 2025
Photo: Ice at Jake Zyrus - IG
Marami ang natuwa sa naging pahayag ni Ice Seguerra na tutulungan niya ang kapwa transman na si Jake Zyrus (dating Charice Pempengco) kung babalik ito sa Pilipinas.
Balitang tumamlay ang career ni Jake Zyrus at wala nang kumukuha sa kanya para mag-show sa ibang bansa. Nakikitira na lang daw ito ngayon sa mga kaibigan at laging naglalasing.
Labis na nanghihinayang si Ice kay Jake Zyrus. Alam niya kung gaano kahirap ang pinagdaraanan nito ngayon dahil dumaan din si Ice sa matinding depresyon noon.
Pero dahil naririyan ang partner niyang si Liza Diño na nagmahal, sumuporta at gumabay sa kanya, napaglabanan niya ang depresyon.
Sumiglang muli ang kanyang career at nakabalik siya sa music scene. Aktibung-aktibo na ulit si Ice sa mga shows at concerts.
Ayon sa kanya, isang support group na magmamalasakit at magmamahal ang kailangan ngayon ni Jake Zyrus upang makabangon. Hindi pa naman huli ang lahat. May mga kaibigan ding gustong tumulong kay Jake para makabalik muli. Kailangan lang niyang umuwi ng Pilipinas at harapin ang bagong buhay. Huwag na niyang pairalin ang pride at mag-self-pity.
ISA-ISA nang nagbabalikan ang mga dating Kapuso stars na nagsilipatan sa ibang network. Maraming pangalan ang lumulutang tulad nina Angel Locsin, Iza Calzado, Nikki Valdez, Vina Morales, atbp..
Nauna nang nakumpirma na kasama sa cast ng Lolong si Nikki. Ngayon, kumpirmado na rin ang pagbabalik ni Vina sa Kapuso Network bilang bahagi ng cast ng seryeng Cruz vs. Cruz (CvsC). Tiyak din na papasok siya sa All-Out Sundays (AOS) dahil singer naman siya.
Matatandaang dati nang naging bahagi si Vina Morales ng SOP, ang musical/variety show ng GMA na napapanood tuwing Linggo.
Tanong ng mga netizens, magiging asset ba si Vina Morales sa kanyang pagbabalik? Kung pagiging singer-performer ang pagbabasehan, mas malawak ang kanyang experience kumpara sa mga singers ngayon sa AOS. Hindi naman siya mag-a-attitude dahil marunong siyang makisama sa mga kapwa singers.
Hindi dapat ma-insecure sa kanya ang mga hosts ng AOS.
BIBIHIRANG artista ang tulad ni Hilda Koronel na matagal nang nawala sa sirkulasyon at hindi na gumagawa ng pelikula pero laging inaabangan ang pagbabalik sa showbiz. Nag-iwan kasi siya ng marka sa magagandang pelikula tulad ng Insiang na umani ng parangal abroad.
May kakaibang tatak si Hilda bilang aktres kaya maraming producers at direktor ang laging nag-aabang sa kanyang pagbabalik. Ngayong tumanggap siya ng bagong pelikula, marami na ang naghihintay sa kanyang bagong atake sa pagganap.
Ibang-iba ang level ni Hilda kumpara kina Nora Aunor at Vilma Santos, kaya lagi siyang may puwang sa showbiz anumang oras na gusto niyang bumalik sa pag-arte.
Natural na VIP ang treatment sa kanya ng lahat. Maraming artista ang gustong makatrabaho si Hilda Koronel. Suwerte si Bea Alonzo dahil nagkaroon siya ng pagkakataon na makasama noon sa isang pelikula ang batikang aktres.
KUNG may isang celebrity na gustong tularan ni Beauty Gonzalez sakaling ma-reincarnate siya at magkaroon ng bagong katauhan, ito ay walang iba kundi ang Star for All Seasons na si Vilma Santos.
Hinangaan daw ni Beauty kung paano i-handle ni Vilma ang kanyang career at na-maintain ang kasikatan sa mahigit limang dekada sa showbiz. Bukod dito, naging matagumpay din si Ate Vi sa kanyang political career. Mahusay niyang nagampanan ang pagiging public servant kaya minahal siya ng mga Batangueño.
Wish ni Beauty na makasama si Vilma Santos sa isang pelikula.
Samantala, sa action-seryeng Tolome! Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis (TWMNPSMNM) Season 3, papasok na ang character ng veteran actress/beauty queen na si Gloria Diaz, na tiyak na ikagugulat ng maraming viewers.
Si Gloria ang tunay na ina ni Beauty Gonzalez na matagal nang nawala. Kaya magugulo ang buhay ni Beauty dahil sa mga kaganapang mangyayari.
Punumpuno pa rin ng action scenes ang TWMNPSMNM Season 3 at hindi ito tinipid.
Kaya naman inspirado si Sen. Bong Revilla dahil para na rin siyang gumawa ng isang malaking action movie. Siya ay gumaganap bilang Police Major Bartolome Reynaldo.
Comments