ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | April 20, 2023
Matapos ang 28 taong pag-uusap at pagpaplano, sa wakas ay nakabuo rin ng kasunduan sa pagitan ng Metro Manila Development Authority (MMDA), local government units (LGUs) at Land Transportation Office (LTO) hinggil sa implementasyon ng single ticketing system para sa traffic violation.
Ayon sa pahayag ng MMDA, ang layunin umano ng paglagda sa memorandum of agreement (MOA) at data sharing agreement (DSA) ay upang pag-isahin ang umiiral na national at local laws hinggil sa traffic enforcement na sisimulan sa Mayo 2 ng taong kasalukuyan.
Maganda ang layunin na pag-isahin, maging ang penalties at fines ng mga pangkaraniwang traffic violations at napagkasunduan naman ito ng 17 alkalde sa Metro Manila, pero mas maganda sana kung magkakasundo na rin sa pagpapatupad ng number coding dito.
Iginagalang naman natin ang desisyon ng bawat siyudad na nagpapatupad ng number coding na taliwas sa karaniwang siyudad na sumusunod sa number coding na ipinatutupad ng MMDA, ngunit hindi maitatanggi na nagdudulot ito ng pagkalito sa mga motorista.
Ang number coding scheme na kilala rin sa tawag na Modified Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) ay isang traffic management strategy upang mabawasan ang bilang ng sasakyan at maging maluwag ang mga lansangan.
Ang karaniwang number coding na ipinatutupad ng MMDA ay sa panahon ng rush hour na alas-7:00 ng umaga hanggang alas-10:00 ng umaga at sa hapon ay mula alas-5:00 hanggang alas-8:00 ng gabi mula Lunes hanggang Biyernes, maliban kung holidays at weekends.
Alam naman natin na ang sasakyang may plakang nagtatapos sa 0 ay hindi puwedeng gamitin sa kahabaan ng EDSA at iba pang major roads sa Metro Manila kung araw ng Biyernes, at kung may lalabag ay huhulihin at pagbabayarin ng penalty fee para sa UVVRP violation.
Ngunit kakaiba sa Makati City dahil may sarili silang patakaran sa number coding na ipinatutupad mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-7:00 ng gabi na karaniwang nakakalimutan ng mga motorista na hindi taga-Makati, kaya ang resulta ay nahuhuli at pinagbabayad ng P300 na multa.
Sa Pasay City, normal na umiiral ang number coding, kaya lang, may mga major roads na exempted kabilang ang Sales Road, MIA Road, Ninoy Aquino Avenue, Domestic Road at ilang bahagi ng Airport Road at Gil Puyat.
Sa BGC, Taguig naman ay hindi ipinatutupad ang number coding, ngunit may ilang umiiral ang number coding sa national roads tulad ng East Service Road at Manuel L. Quezon Avenue.
Walang number coding sa Marikina, ngunit may bahagi ng Marcos Highway malapit sa Sta. Lucia East Mall at Ayala Feliz na umiiral ito. Sa Muntinlupa ay tanging sa Alabang-Zapote ang may number coding dahil hindi kasali ang kahabaan ng Commerce Avenue.
Sa Caloocan naman, Samson Road lamang ang hindi nagpapatupad ng window hours, ngunit sa kabuuan ay umiiral ito.
Base sa MMDA, ang mga sasakyang exempted sa number coding ay Public Utility Vehicle (PUV) kabilang na ang tricycle, Transport Network Vehicle Services (TNVS), Motorcycle, Garbage Trucks, Fuel Trucks, Ambulance, Fire trucks, Marked government vehicles, Marked media vehicles at Motor vehicles na may lulang essential o perishable goods.
Ngunit ang mga exempted na sasakyang ito ay hindi puwede sa Makati dahil may sarili silang patakaran.
Ilan lang ito sa mahahalagang panuntunan na nakapaloob sa umiiral na number coding, na karamihan sa mga tsuper ay hindi naman alam ang kabuuan nito, kaya marami ang nalilito.
Kasalanan ba ng mga driver kung hindi nila alam nang buo ang mga detalye ng number coding?
Sa totoo lang, wala pa akong nakakausap na driver na kabisado ang mga kalye sa Metro Manila na hindi puwedeng daanan dahil may number coding.
Sana ay iisa na lamang ang kumpas sa number coding sa buong Metro Manila para kahit dito man lang ay makita na mayroon naman tayong pagkakaisa.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Commentaires