top of page
Search
BULGAR

Para iwas-hassle ‘pag mag-a-apply ng benepisyo... Personal records sa SSS, dapat tama at updated

@Buti na lang may SSS | December 20, 2020


Dear SSS,


Magandang araw! Mahalaga ba na i-update ang rekord ko sa SSS? Bagong kasal ako at nais kong ilagay na beneficiary ang aking asawa. Salamat. – Shane


Sagot


Mabuting araw sa iyo, Shane!


Napakahalagang updated at tama ang impormasyon tungkol sa iyo na nasa record ng SSS. Ang pagkakaroon ng mali o hindi updated na personal record sa SSS ay maaaring magdulot ng problema sa miyembro, lalo na kung mag-a-apply siya ng benefit claim. Maaari kasing maantala ang pagpoproseso ng benefit claim kung mayroong hindi tugma o discrepancies sa rekord ng miyembro. Kaya, hinihimok namin ang mga miyembro na i-update ang kanilang rekord sa SSS. Katulad sa iyong kaso, dapat mong i-update ang iyong civil status at ang iyong dependents/beneficiaries.


Simple lang naman ang pag-a-update ng rekord sa SSS. Kailangang magpunta sa pinakamalapit na sangay ng SSS at punan ang Member Data Change Request Form o SS E-4 Form. Maaaring makakuha ng SS E-4 Form sa sangay ng SSS o i-download ito sa SSS website, www.sss.gov.ph, sa bahagi ng SSS Downloadable Forms.


Para sa pag-update ng civil status, punan mo ang bahagi ng “Change of Civil Status” at markahan ang kahon ng “Single to Married.” Upang i-update mo ang iyong dependents/beneficiaries, punan mo naman ang bahagi ng “Updating of Dependent/Beneficiary.”


Kasama ng dalawang kopya ng napunang SS E-4 Form, kailangan mong isumite sa SSS ang kopya ng iyong marriage contract bilang patunay na ikaw ay kasal na. Gayundin, kailangan mong magdala ng 2 valid IDs. Kung magdaragdag ng dependent child o anak, ang kailangang ipresenta ng miyembro ay ang birth certificate o baptismal certificate ng bata.


Para sa simpleng pagtatama ng pangalan at petsa ng kapanganakan, kailangang magsumite ng birth certificate na authenticated ng Philippine Statistics Authority o photocopy ng pasaporte. Kung wala ang mga nabanggit na dokumento, maaaring ipresenta ang Certificate of Non-Availability of Birth Records na mula sa City/Municipal Civil Registrar o ng Philippine Statistics Authority kasama ang dalawang valid ID o dokumento kung saan nakalimbag ang tamang pangalan at petsa ng kapanganakan. Ang ilan sa mga tinatanggap na ID cards ay kinabibilangan ng driver’s license, GSIS ID Card, Postal ID Card, PRC Card, Senior Citizen Card, Voter’s ID at TIN Card. Ang tinatanggap na dokumento ay kinabibilangan ng Alien Certificate Registration, Baptismal Certificate, Court Order tungkol sa pagpapalit ng pangalan at petsa ng kapanganakan, Marriage Certificate, NBI Clearance, Police Clearance at Seaman’s Book. Para sa kumpletong talaan ng ID cards at dokumentong tinatanggap ng SSS, maaaring sanguniin ang likurang bahagi ng SS E-4 Form.


Kung lubhang magkaiba ang ginagamit na pangalan sa tamang pangalan, dapat magsumite ng Joint Affidavit ng dalawang tao na may personal na kaalaman na ang dalawang magkaibang pangalan ay iisang tao lamang.


Kung ang pagbabago naman ng pangalan ay bunga ng pagpapalit ng citizenship, dapat isumite ang Certificate of Naturalization na mula sa Philippine Department of Foreign Affairs o Identification Certificate na mula sa Philippine Bureau of Immigration, o anumang ID o dokumento na mula sa gobyerno ng ibang bansa tulad ng pasaporte o driver’s license.


Paalala sa aming mga miyembro na palaging iprisenta ang mga orihinal na kopya o certified true copies ng IDs o dokumento sa tuwing magsusumite ng photocopy ng mga ito.

◘◘◘


Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, hinihikayat namin ang mga miyembro at employer na bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”


◘◘◘


Kung mayroon kayong mga katanungan ukol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page