top of page
Search
BULGAR

Para iwas-droga, sports ang kailangan ng mga kabataan

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | June 21, 2023


Kabilang sa aking mga adbokasiya ang hikayatin ang ating mga kababayan, lalo na ang mga kabataan, na pumasok sa sports. Bata pa lang ako ay isa na akong sports enthusiast, hanggang ngayon ay aktibo pa rin ako sa basketball, at nagkataon ding ipinagkatiwala sa atin ang pagiging Chair ng Senate Committee on Sports. Bukod sa maayos na kalusugan at edukasyon, isang mahalagang aspeto ang sports para mahubog ang isipan at katawan ng ating mga kabataan na siyang pag-asa ng ating bayan.


Isa sa ating inisyatiba at patuloy na pinagsusumikapang mapalaganap ay ang grassroots sports development dahil bilang isang probinsyano, alam kong maraming talento rin ang mula sa iba’t ibang sulok ng bansa. Nais nating mapagkalooban ng pantay na oportunidad ang mga atletang ito, mas mahasa pa ang kanilang galing at maturuan ng tamang disiplina at pagsisikap para magtagumpay.


Kaya naman noong June 17 ay dinaluhan natin ang ginanap na Serbisyong Totoo Sports Clinic sa Matalam, North Cotabato kung saan nagpakita ng kanilang galing ang mga kabataan mula sa 34 na mga barangay. Nabigyan din sila ng pagkakataon na matuto at magsanay sa patnubay ng mahuhusay na coach at mentors. Nagkaloob naman ang aking tanggapan ng dagdag na suporta tulad ng bola para sa basketball at volleyball sa mga lumahok na barangay. Pinayuhan ko ang mga kabataan na ipagpatuloy ang kanilang nasimulan at hikayatin ang iba pa nilang kasama sa komunidad na lumayo sa masasamang bisyo, get into sports and stay away from drugs.


Noong June 16 ay dinaluhan din natin ang ribbon-cutting ng Pentathlon facility na may fencing hall sa Ormoc City. Isang proyekto ito na ating sinuportahan bilang Vice Chair ng Senate Committee on Finance at katuwang sina Congressman Richard Gomez at Mayor Lucy Torres-Gomez.


Malaking tulong ito para mapalakas ang grassroots sports development sa lugar at mai-promote ang iba pang larangan ng palakasan na maaaring mapaghusayan ng mga kabataan.


Ang pagpapalawak sa grassroots sports development ang isa sa mga dahilan kaya patuloy kong isinusulong ang Senate Bill No. 423, o ang panukalang Philippine National Games Act. Kung papasa at magiging ganap na batas, layunin nito na magkaroon ng platform para sa mga atleta sa buong Pilipinas, lalo na ang mga kabataan sa mga kanayunan, na makalahok sa mga pambansang kumpetisyon. Layunin din nito na mabigyan ng pagkakataon ang mga may potensyal na madiskubre at makalahok sa international sporting competitions.


Naging author at co-sponsor din tayo ng panukala na naging Republic Act No. 11470 na nagtatag sa National Academy of Sports (NAS) noong 2020. Ang NAS ay isang government-run educational institution na ang Main Campus ay nasa New Clark City, Capas, Tarlac. Nagkakaloob ito ng de-kalidad na secondary education na may special curriculum sa sports para sa mga kabataang Pilipino na gustong mas mapagbuti pa ang kanilang talento habang ipinagpapatuloy ang kanilang pag-aaral. Sa ganitong paraan, walang makokompromiso: puwedeng mag-training habang nakakapag-aral.


Sa pagpapatuloy naman ng ating paghahatid ng iba’t ibang serbisyo sa buong Pilipinas, kahapon, June 20, ay nasa Laguna tayo para saksihan ang ceremonial ribbon cutting ng Nagcarlan Public Market, isa sa mga proyektong natulungan nating maipatayo noon.


Kasama sina Gov. Ramil Hernandez, Vice Gov. Karen Agapay, Cong. Amben Amante, Cong. Ruth Hernandez, Mayor Elmor Vita, Vice Mayor Rexon Arevalo, Coun. Rey Commendador at iba pang lokal na opisyal, pinangunahan din natin ang pagkakaloob ng tulong sa 1,500 mahihirap na residente.


Dumiretso rin tayo sa Sta. Rosa City at nag-inspeksyon sa inilulunsad na Super Health Center doon, at matapos ay personal na nagkaloob ng tulong sa 1,500 mahihirap na residente sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Arlene Arcillas at iba pang lokal na opisyal.


Nasa Tarlac City naman tayo noong Lunes at inalalayan ang 1,000 na PWDs, market vendors at ilang indigents mula sa probinsya ng Tarlac sa pamumuno ni Gov. Susan Yap at Cong. Christian Yap. Sinaksihan din natin ang groundbreaking ng itatayong Concepcion Super Health Center kasama si Kabayan Partylist Rep. Ron Salo at Mayor Noel Villanueva. Nagbigay rin tayo ng tulong sa 977 residente na kinabibilangan ng mga biktima ng bagyo at ilang mga estudyante. Patuloy ang pagbibigay ng tulong ng aking tanggapan sa mga lugar na ito sa probinsya ng Tarlac.


Bukod naman sa ating pagdalo sa sports clinic sa Matalam, North Cotabato noong June 17, namigay rin tayo ng tulong sa 1,318 benepisyaryo mula sa iba’t ibang sektor sa naturang probinsya kasama si Gov. Lala Taliño-Mendoza, Matalam Mayor Oscar Valdevieso, Vice Mayor Ralph Ryan Rafael at iba pang opisyal. Dinaluhan din natin ang selebrasyon ng 54th Araw ng Alamada sa pamumuno nina Mayor Jesus Sacdalan at Cong. Joel Sacdalan. Kasama rin namin doon sina Senator Francis Tolentino, Vice Gov. Efren Piñol at iba pang opisyal. Nagkaloob din tayo ng tulong sa 840 na magsasaka at sa 1,500 mahihirap na residente ng Alamada.


Nakarating din ang aking opisina sa iba’t ibang komunidad para alalayan ang mga nahaharap sa iba’t ibang krisis. Maagap tayong nag-abot ng tulong sa mga naging biktima ng sunog gaya ng 167 sa Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindano del Norte; at 32 pa sa Mother Bagua, Cotabato City.


Tumulong din tayo sa 500 benepisyaryo mula sa Plaridel, Bulacan; at 100 pa sa Cuyapo, Nueva Ecija. Nabigyan din natin ng tulong ang 180 TESDA trainees na nagsipagtapos sa Mandaue City, Cebu.


Bukod sa pagtulong sa mga nangangailangan, mahalagang mahubog din ang isipan at katawan ng ating mga kabataan bilang mga pag-asa ng ating bayan. Napakaimportante na magabayan sila sa pamamagitan ng tamang edukasyon at pagsasanay sa sports dahil hindi lang natin sila nailalayo sa kaway ng droga at kriminalidad kundi lumilikha rin tayo ng magandang kinabukasan para sa kanila anuman ang larangan na kanilang papasukin balang araw.


Palakasin natin ang ating grassroots programs at ilapit natin sa tao ang serbisyong kailangan nila mula sa edukasyon, pangkalusugan, at pati na rin sa sports. Handa po akong tumulong sa abot ng aking makakaya, lalung-lalo na po sa mga mahihirap nating kababayan at dapat ilapit natin ang serbisyo ng gobyerno sa kanila.


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page