ni Jasmin Joy Evangelista | January 16, 2022
Idineploy sa mga probinsiyang marami pang hindi bakunado ang ilang doktor upang ipaliwanag ang mga benepisyo ng pagiging bakunado kontra-COVID-19, ayon sa isang opisyal ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP).
Ayon kay ULAP president at Quirino Governor Dakila Cua, inaalam ng mga barangay captain kung sino ang mga hindi pa bakunado upang mahikayat ngunit nahihirapan umano ang mga ito na kumbinsihin ang ilang residente.
"Sila (barangay captains) talaga ang sumusuyod. Alam nila kung sino-sino (ang 'di pa bakunado) at na-i-re-report naman sa atin. Ang hirap pilitin. Hindi puwedeng i-force 'yung bakuna sa ating mga kababayan," ani Cua.
Aniya, ayaw magpabakuna ng ilan dahil sa religious beliefs.
"May certain percent of population na hindi komportable magpabakuna whether it is for religious reasons or medical reasons. 'Yun 'yung generic nilang binibigay na dahilan," paliwanag ni Cua.
Upang mabigyang-pansin ang issues hinggil sa mga unvaccinated, sinabi ni Cua na nagpapadala na ng mga doktor ang ilang LGU sa mga komunidad upang ipaliwanag ang kahalagahan ng bakuna ngayong panahon ng pandemya.
"Pero at least na-i-identify kung sino-sino ito ang strategy natin. Pinapapunta ang doctor sa malalayong lugar para doktor ang magpaliwanag... Puwede sila magtanong, puwedeng malaman ang updates sa bakuna at effectivity nito," ani Cua.
Nagsimula nang mag-implement ng iba’t ibang estratehiya ang mga LGU upang ma-restrict ang mga unvaccinated sa paglabas at pagpunta sa mga establisimyento, batay na rin sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Comments