ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | January 24, 2021
Salaminin natin ang panaginip ni Myra na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
May itatanong ako sa panaginip ng anak kong babae na kasama ko rito sa Dubai. ‘Yung ngipin niya ay unti-unting lumuwag at naglaglagan, pero may natira na isang bagang sa dulo at bandang kaliwa.
Kaya nang magising siya, ikinagat niya agad ‘yung ngipin niya sa unan at kahoy para hindi mangyari ang bad omen kapag nanaginip ng ngipin na nalalagas. Ano ang kahulugan ng panaginip na ito ng anak ko? Sa totoo lang, kinakabahan ako.
Naghihintay,
Myra
Sa iyo, Myra,
Alam mo, ngipin ang pinakamatigas na bahagi sa katawan ng tao at ang panga naman ang pinakamalakas na parte ng katawan. Hindi ba, nakakatuwa na ang panga na pinakamalakas ay may hawak naman ng bahagi ng katwan pinakamatigas at ito nga ay ang ngipin?
Kaya ang mga taong kung tawagin ay “pangahin” o malaki ang panga ay ang mga pinakamalakas na tao sa mundo. Samantala, ang mga taong malalaki ang ngipin ay ang mga tigasin, at pinaniniwalaan din na ang may malalaking ngipin ay mahaba ang buhay at ang may maliliit na ngipin ay maiksi ang buhay. Hindi ba, nakakatuwa dahil makikita na may kaayusan o maayos na maayos ang pagkakalikha sa tao?
Eh, ano naman kaya ang mangyayari sa mga taong magulo ang mga ngipin? Kaya mo bang hulaan? Ano pa nga ba, kundi magulo rin ang buhay.
Maraming nakakatuwang bagay tungkol sa mga ngipin, at ang isa pang nakakatuwa ay kapag napanaginipan na nalalagas ang ngipin, ang sabi, may mamamatay. At para mapigilan ito, ang nanaginip ay dapat kumagat sa unan o kahoy.
Parang hindi naman nakakatuwa ang ganu’ng bagay kundi nakakatakot. Dahil ang kamatayan sa lahat ng bagay na nangyayari sa mundo ay pinaka-kinatatakutan, dahil ang lahat ay takot sa kamatayan.
Pero alam mo, may isang Pinoy na kamakailan lang ay inalala natin ang kanyang kamatayan at ito ay si Gat. Jose Rizal. Alam mo, sabi niya, “Kung sa langit nabubuhay, bakit kinatatakutan ang oras ng kamatayan?”
May sense ang sinabi ni Rizal, hindi ba? Kasi tuwing haharap ang mga pari sa misa sa isang patay, palaging binanggit ng pari ang tungkol sa “muling pagkabuhay.”
Pero pagmasdan mo ang mga taong nakikinig, tahimik lang dahil siguro, hindi sila bilib sa pari dahil may sense ang sinabi ng Dakilang bayani na “Kung sa langit nabubuhay, bakit kinatatakutan ang oras ng kamatayan?”
Bago tayo maligaw at baka sobrang matuwa si Pangulong Duterte dahil mukhang kakampi niya si Rizal sa pagbatikos sa aral ng simbahan, balikan natin ang iyong panaginip.
Ang panaginip na nalalagas ang ngipin ay nagbababala na ang nanaginip ay humihina, as in, she or he will be weak.
Puwedeng hihina ang kanyang katawan, pero puwede ring mapabibilang siya sa mga taong mahina ang pagkatao na hindi kayang ipilit ang kanyang will o kagustuhan, kaya siya ay makikitang sunud-sunuran sa mga taong aalipin sa kanya.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo
Kommentare