ni Lolet Abania | October 3, 2022
Pinag-aaralan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagkakaroon ng mas mahigpit polisiya upang maresolba ang paglaganap ng mga street children o batang lansangan.
Ayon kay DSWD Secretary Erwin Tulfo, kumukonsulta na ang ahensiya ng mga legal experts kung maaaring nasa kustodiya ng DSWD ang mga batang na-rescue nang higit sa tatlong beses mula sa pagpapalimos sa mga lansangan.
“Ang problema kasi… Common practice na during the past several administration, kukunin ang bata, ilalagak ng LGU sa DSWD, bukas, babalikan, kukunin ng nanay, ‘pag nakuha niya, ibabalik na naman niya ‘yung anak niya sa kalsada. So paulit-ulit. It’s a cycle… It’s a band-aid solution, ‘yung kukunin mo sila sa kalsada, tapos wala kang gagawing paraan,” giit ni Tulfo.
“Siguro with the help of the LGUs at kokonsulta tayo sa legal experts natin sa Kongreso, sa Senado, maging sa Malacañang, ‘yung ating legal counsel doon, ng OSG kung paano ang gagawin… ‘Pag naka-tatlong beses na ni-rescue ng pamahalaan, ng LGU ang iyong anak sa lansangan, tinitingnan namin kung pwede na bang kunin na ng DSWD ang pangangalaga sa mga batang ito. Tutal trabaho talaga naman ng DSWD ang child protection, aalagaan ng gobyerno, dadamitan, papakain, papaaralin ‘yung bata, kesa nandyan pagala-gala sa lansangan na very dangerous,” paliwanag ni Tulfo.
Samantala, itinutulak din ng opisyal ang pagkakaroon ng livelihood assistance para sa mga indigenous people upang hindi na sila bumalik pa sa mga lansangan at magpalimos.
“They just need funding para makapagpatayo sila ng pangkabuhayan nila. So they will not keep on begging every month, at hihingi ng pera, at pagkatapos babalik na naman, dahil kukunin ng DSWD, ng LGU. We really have to stop this, and think about it. ‘Yung long term. Hindi ‘yung band-aid solution,” pahayag pa ni Tulfo.
Comments