ni Mharose Almirañez | August 25, 2022
Swipe rito, swipe ru’n. Ganyan natin tingnan ang ilang credit card holders na tila nuknukan ng yaman at para bang hindi nauubusan ng pera sa kaka-swipe.
Alam kong naa-amaze ka sa kanila, pero beshie, ‘wag mo sila basta idolohin dahil isa rin silang mangungutang kagaya mo. Yes, beshie, tama ang pagkakabasa mo. Sila ‘yung mga taong swipe now, pay later. ‘Yung tipong, installment kung magbayad ng utang, kumbaga sa 5-6 ay hulugan. Kaya bago mo naising mag-apply o mag-open ng credit card account, narito ang ilang bagay na dapat mong tandaan:
1. CARD FEES. Dapat mong alamin ang lahat ng credit card fees tulad ng cash advance fee, finance charges, interest, late fees, foreign transaction fees, at ang annual card fee upang hindi ka magulat sa iyong billing statement pagdating ng bayaran. Ugaliing basahin ang fine print at huwag lamang basta pumirma dahil dito nakasaad ang lahat ng terms and conditions.
2. CREDIT LIMIT. Hindi porke may credit card ka na ay bahala ka nang gumasta. Alamin mo muna ang credit limit ng iyong account upang maiwasan ang mapahiya kapag na-decline ang iyong transaction sa counter o cashier. Maaari kang tumawag sa iyong bangko para mag-request ng credit limit increase. Pero keep in mind, ang credit limit mo at ang amount ng increase ay depende sa credit score mo.
3. CREDIT SCORE. Dito ine-evaluate ng mga credit agency ang bawat paggamit ng service tulad ng credit card, loans, atbp. Tuwing male-late ka sa mga pagbabayad o lumagpas sa limit sa iyong credit card, ito ay nire-report ng bangko sa mga agency at dito magdedepende ang iyong score.
4. REWARDS O POINTS. Alam mo ba na kada swipe ng iyong card ay may katumbas itong points? Ang maiipong points ay maaari mong magamit sa napakaraming bagay tulad ng pag-redeem ng items. Puwede mo rin itong gamitin para pababain ang balanse ng iyong account. Gayunman, may ilang bangko na hindi kino-consider ang rewards o points bilang payments, pero bawas naman sa principal balance.
5. CASH ADVANCE. Yes, beshie. Puwedeng-puwede ka mag-cash advance o mag-withdraw ng cash sa ATM gamit ang iyong credit card. ‘Yun nga lang, mayroon iton cash advance fee na nasa P200 at finance charges na porsyento ng halaga ng iyong kinuha. Mainam na alamin muna ang APR o Annual Percentage Rate ng iyong credit card bago ito gamitin sa pag-cash advance.
6. INSTALLMENTS. Kung hindi man available ang installment sa halaga ng iyong binili tulad ng P4,300 na bilihin, maaaring tumawag sa customer service para mag-request na hatiin sa 3 months ang amount nito. Tandaang sa bawat request nito ay may installment fee na nasa P100 per request. Kahit may fee, at least, hindi mabigat sa bulsa pagdating ng bayaran.
Napakasakit sa ulo na magkaroon ng maraming utang, pero at least ay napakanibangan mo naman muna ang iyong mga binili bago mo binayaran. Spend wisely lamang, beshie. Huwag mong kalimutan ang ilang hidden charges para hindi ka mabigla sa patung-patong na charges pagdating ng iyong billing statement. Okie?
Comentarios