top of page
Search
BULGAR

Para ‘di magpalipat-lipat ng kumpanya… 4 katangian na dapat taglay ng emepleyado

ni Justine Daguno - @Life and Style | January 17, 2022




Lipat dito, lipat doon.


Pabagu-bago ng trabaho dahil sa iba’t ibang dahilan. Mayroong tinanggal dahil may nakaaway o may kasalanan, meron din namang hindi nakuntento, nagsawa o sumuko na.


Pero ‘ika nga, hangga’t may kumpanyang tumatanggap o nangangailangan ng tao, apply lang nang apply!


Pero sa kabilang banda, kung may mga taong hindi nagtatagal sa trabaho, mayroon din namang mga empleyado na halos iginugol na ang buhay sa kumpanya. Sila ‘yung mga nabibigyan ng oportunidad na magtagal sa industriya.


Tunay na masuwerte ‘yung mga inaabot ng tatlo hanggang limang taon, lalo na ‘yung mga inaabot ng dekada. May sikreto nga ba sila? Well, narito ang ilan sa mga katangiang dapat taglay ng empleyado upang magtagal sa trabaho:


1. MAPAGKAKATIWALAAN. Bagama’t gasgas na ang linyahang, “Honesty is the best policy”, truly na mahalaga ang tiwala sa lahat ng pagkakataon. Kung walang tiwala sa ‘yo ang employer mo, kahit pa ano’ng pagmamalaki ang iyong gawin, mamimili ka pa rin sa dalawa: mapapalayas ka o ikaw ang lalayas sa kanila dahil ipararamdam nila sa ‘yo na wala silang tiwala sa kakayahan mo at pandagdag ka lang sa bilang ng mga empleyado.


2. MERONG INITIATIVE. Walang may gusto sa taong walang initiative o pagkukusa, aminin natin o hindi, nakakaumay ang mga taong kailangan pang sabihan ng mga dapat nitong gawin. ‘Ika nga, hindi eskuwelahan ang professional field, bagama’t may matututunan, kailangan ay may kaalaman na bago pa sumabak sa laban. ‘Ika nga, kung gusto mo umabot ng dekada, magbida-bida ka!


3. MAY PRINSIPYO. Bulok ang mga taong walang prinsipyo sa buhay. Sila ‘yung mga taong umaasa o naniniwala lang sa sinasabi ng iba. Walang sariling disposisyon at mahilig lang magpatangay sa kung ano ang nar’yan sa harap niya. Tandaan, prinsipyo ang madalas na basehan kung may kakayahan ba sa hinaharap o wala ang empleyado na magtagal sa kumpanya.


4. MAPAPAKINABANGAN. Aminin man natin o hindi, lahat naman ay oportunista, lalo na ang mga negosyante, kaya hindi nila pinatatagal ang mga bagay hindi nila napakikinabangan. Kumbaga, kapag wala namang kuwenta, dapat hindi na pinatatagal o idini-dispose na. Kaya kung gusto mong magtagal sa kung nasaan ka man ngayon, siguraduhing may function ka sa kumpanya.


Madalas na payo ng matatanda sa kabataan na sulitin ang pag-aaral at ‘wag magmadali dahil kapag nakapagtapos na sila’y habambuhay na ang pagkayod o pagtatrabaho. Truly naman, kaya kung pipiliin mong maging empleyado, dapat tanggap mo ang katotohanang malaking porsiyento ng buhay mo ang mapupunta sa pagtatrabaho. At dahil d’yan, siguraduhing pipili ka ng kumpanya na ramdam mong para sa ‘yo nang sa gayun ay magtatagal ka. Gets mo?


Kommentare


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page