ni Mharose Almirañez | December 18, 2022
“You're hired!” ‘Yan ang pinakamasarap marinig sa tuwing naghahanap ng trabaho. ‘Yung tipong, goodbye ka na sa pagpi-print ng napakaraming resume at pagpapasa nito sa kung saan-saang job caravan. Hello, kinsenas-katapusan na sahod, ‘ika nga.
Pero beshie, bago mo tuluyang tanggapin ang job offer, make sure na hindi mo ‘yan pagsisisihan, ha? Siguraduhin mong nag-conduct ka ng intensive research sa kumpanyang in-apply-an mo para iwas-pasa ng resignation letter sa kalagitnaan ng iyong training or worse, baka mapa-AWOL ka na lang kapag nagsimula ka nang makaramdam ng pressure.
Anu-ano nga ba ang mga dapat ikonsidera sa paghahanap ng bagong trabaho? Well, beshie, narito ang ilan:
1. SALARY. Kaya ka nagtatrabaho ay para kumita ng pera. Bawat tao ay may kani-kanyang bills na binabayaran buwan-buwan, kaya siguraduhin mong deserve ng pagod mo ‘yung sahod na ibibigay sa ‘yo. At kung magre-resign ka rin lang sa dati mong trabaho, dapat ay mas mataas na rito ang iyong magiging sahod. Gawin mong goal ang pagle-level up ng salary and position sa tuwing magre-resign. That’s what we call “career growth”.
2. WORKLOAD. Baka naman kasi nu’ng sinabi mong “I can do multitasking,” eh workload na pang-tatlong tao ang ibigay sa ‘yo. ‘Yung tipong, papakinabangan nila ang lahat ng skills na mayroon ka kahit hindi naman ‘yun nakalagay sa job description ng in-apply-an mong posisyon. Kumbaga, sa umpisa ay heavy task muna hanggang tambakan ka na nila ng napakaraming workload eventually. Kaya ang tanong, angkop ba ang dami ng workload na ibibigay sa ‘yo sa buwanang sahod na matatanggap mo?
3. BENEFITS. Mainam na mag-apply ka sa kumpanyang nag-o-offer ng retirement benefits, paid leave, night differential, flexible work schedule, load and transportation allowance, at medical, disability, and life insurance. Idagdag na rin ‘yung kumpanyang namimigay ng ham at Noche Buena package tuwing Disyembre, at may pa-tikoy tuwing Chinese New Year. Bonus factor na rin kung mayroong yearly team building.
4. MANAGEMENT. Dito talaga magpo-fall back ang mga naunang nabanggit. Kaya bago mo tanggapin ‘yung job offer ay mag-background check ka muna sa kumpanyang ‘yan. Kumustahin mo ang pasahod at mga benepisyo. Alamin mo ang sistema o pamamalakad. Anu-ano ba ang mga inirereklamo ng ilang empleyadong nag-resign d’yan? Mahirap kasi kung hindi maganda ang environment ng papasukan mong kumpanya, lalo na kung puro toxic ang mga makakatrabaho mo, partikular na ang iyong magiging boss. Pero siyempre, mas mahirap naman kung lahat ng makakatrabaho mo ay feeling boss.
5. LOCATION. Ipagpalagay nating nakahanap ka nga ng kumpanyang may magandang pasahod, benepisyo at maganda ang environment. Pero paano kung napakalayo naman nito sa ‘yong tinitirahan? Jusko, beshie, r’yan na talaga magkakatalo! Isipin mo ‘yung gugugulin mong oras sa pag-aasikaso at pagbiyahe papunta sa trabaho na dapat ay itinutulog mo pa kung walking distance ka lang sa ‘yong opisina. Isipin mo ‘yung araw-araw na traffic at struggle kung regular commuter ka. Ang tanong, may matitira pa ba sa ‘yo kung ika-calculate mo ‘yung pamasahe at pagkain?
Para sa ilang job seeker, okey lang ang ganyang setup dahil ang mahalaga ay may trabaho. Ang importante ay nakakapagbayad ng bills at nakaka-survive araw-araw.
Pero kung pag-iisiping mabuti, hindi ka gumraduate ng college para lamang magserbisyo nang higit pa sa 8 hours daily at tumanggap ng sahod na mas mababa pa sa tuition fee mo noong nag-aaral ka. Hindi mo hinasa ang skills na mayroon ka ngayon para lamang i-take advantage ng mga employer na ayaw kumuha ng additional employee for that certain position. ‘Yan ang hirap dito sa ‘Pinas, eh!
Aminado naman tayong walang perpektong kumpanya. ‘Yung tipong, kahit ilang empleyado pa ang makausap natin mula sa iba’t ibang industriya ay pare-pareho lamang tayong may masasabi. Gayunman, bilang isang empleyado, karapatan din nating makaahon sa kahirapan at guminhawa sa buhay tulad ng ating mga employer.
Gets mo?
Commenti