ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | November 15, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Helen na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Nakapulot ako ng maraming pera sa kalsada. Naglalakad ako papunta sa palengke para bumili ng bigas at ulam nang biglang may nakita akong P100. Tapos, habang naglalakad ako, may napupulot ulit akong P100 hanggang sa umabot sa P800 ang nakuha ko. Umuwi ako at hindi na bumili ng bigas at ulam. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Helen
Sa iyo, Helen,
Nagpapayo ang mga panaginip at ang payo ng panaginip ay tapat at totoo. Hindi tulad ng ibang payo na hindi tapat dahil may ibang nakatagong dahilan at ang ibang payo ay hindi naman totoo kung saan madalas ay pagkunsinti lang sa pinapayuhan.
Sabi ng iyong panaginip, huwag kang susuko sa pagtahak mo sa landas ng buhay kung saan nasa sa dulo ang katuparan ng iyong mga pangarap. Gayundin, pinanghihinaan ka ng loob dahil ayon sa iyo, wala kang pera o mahirap ka lang kaya wala kang pag-asa na matupad ang mga pangarap mo sa buhay.
Ipinapayo rin ng iyong panaginip na ipagpatuloy mo ang pagsisikap mo dahil hindi ka pababayaan ng langit at tatanggap ka ng mga biyaya. Gayundin, gaganda ang buhay mo habang tinatahak mo ang landas ng iyong pangarap.
Ayon sa iyong panaginip, malaki ang tsansa na dahil sa pagganda ang buhay mo, makalilimutan mo ang tunay mong pangarap at hindi ito dapat mangyari sa iyo dahil ang katuparan ng pangarap mo ay nasa dulo at wala sa unahan o kalagitnaan.
Kaya kung hihinto ka dahil sa pagganda ng buhay, maaaring hindi mo paniwalaan na ikaw ay mapabibilang pa rin sa mga taong bigo sa kanilang mga pangarap.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo
Comentários