ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Jan. 4, 2025
Pumanaw noong Disyembre 19, 2024 si Francisco “Dodong” Nemenzo Jr. Si Ka Dodong ang ika-18 presidente ng Unibersidad ng Pilipinas.
Kakaibang presidente si Dodong. Hindi siya pulitiko o businessman. Isa siyang guro at aktibistang sosyalista. Masasabing isa siya sa mga sinaunang Marxista-Sosyalistang rebolusyonaryo ng ating bansa.
Noong siya ay bata pa, sumapi siya sa Partido Komunista ng Pilipinas (itinatag noong Agosto 26, 1930 ni Crisanto Evangelista) at mula noon ay nagpakadalubhasa sa pilosopiya ni Karl Marx. Noong namatay si Ka Dodong, sinikap tayong hanapin ng kanyang pamilya para makapag-alay ng misa para sa kanya. Mabuti na lang at nagtiyaga ang kanyang manugang na si Von Fernandez na dating coordinator ng Greenpeace sa parteng ito ng Southeast Asia.
Nang matanggap natin ang text ni Von, mabilis at malugod nating tinanggap ang paanyaya. Kaya noong nakaraang Disyembre 30, 2024, alas-6 ng gabi, nag-alay tayo ng misa para kay Ka Dodong.
Punumpuno ang bulwagan ng GT-Toyota Asian Center sa UP Diliman. Tahimik na nakaupo sa harapan si Princess Nemenzo, biyuda ni Ka Dodong. Doon sa gitnang harapan, sa sentro ng magagandang halaman at bulaklak, nakaluklok ang metal na urn na taglay ang mga “cremains” ni Ka Dodong.
Sa gawing kaliwa, naghihintay si Lester Demetilyo (asawa ni Becky Demetilyo) at Astarte Abraham (anak ni Edru Abraham). Nagkasundo kami nina Astarte at Edru na ang mga aawitin sa Misang Katoliko ay mga protestanteng awit na madalas gamitin sa mga serbisyong protestante. May pagka-rebolusyonaryo ang kumbinasyong ito. Ngunit, malinaw na wala namang masama at walang nilalabag na anumang batas ang naturang kumbinasyon.
Sa pambungad na awit, inanyayahan nating manatiling nakaupo ang lahat habang umaawit si Astarte Abraham ng isang imnong protestante. Bagama’t hindi sumasabay ang lahat, buong-buo ang pakikinig at pakikiisa ng lahat sa himig at kabuluhan ng awit.
Damang-dama ang nagkakaisang diwa ng panalangin at pakikiramay ng lahat sa mga nangungulila sa pagpanaw ng mahal at dakilang lider, propesor, aktibista, rebolusyonaryo, asawa, ama, kaibigan, kasama at kababayang Dodong.
Marami tayong ibinahagi tungkol kay Ka Dodong at ang kakaibang epekto nito sa aking buhay. Ilan dito ay ang mga nasulat ni Ka Dodong na nabasa natin na nagkaroon ng malalim sa ating pananaw, pagkatao, pagka-Pilipino at pagka-pari. Nabanggit din natin ang gintong pagkakataon ng pagsasama namin ni Ka Dodong sa UP Diliman mula 1998 hanggang 2003, noong siya ay presidente ng UP Diliman System at tayo naman ang kura-paroko ng Parokyang Katoliko sa campus ng UP Diliman.
Mahalaga ang natutunan natin kay Ka Dodong. Para sa kanya ang pinakamabisang paraan para tutulan at labanan ang mga humahadlang sa positibong pagbabago para sa maliliit at nakakarami sa ating bansa ay ang pag-oorganisa at pagpapakilos sa mga batayang sektor. Nakasama tayo nina Ka Dodong ng buuin niya ang Laban ng Masang Pilipino.
Hindi man pala-simba at malapit sa simbahan si Ka Dodong, malapit na malapit ito sa mga mahihirap na sektor. Masasabi nating kilalang-kilala ni Ka Dodong ang “Diyos ng mahihirap” at ang mahihirap at ang kanilang kakaibang pamamaraan ng pagkilala, pagsamba at pagsunod sa Diyos.
Sa aking halos 43 taon ng pagiging pari, nakita natin ang dalawang grupo sa simbahan.
Pareho silang Katoliko ngunit masasabi kong magkaiba sila sa pagkilala, pagsunod at pagpapasalamat sa Diyos. Alam natin na hindi dalawa ang Diyos: Diyos ng mayaman at Diyos ng mahirap, dahil iisa lamang talaga.
Isa ring Francisco ang ating Papa, at tulad ni Ka Dodong, kakaiba ang ating Papa. Alam ni Papa Francisco ang buhay ng mga mahihirap sa buong mundo. Alam din niya ang buhay ng mayayaman. Ganoon na lang ang paalalang bumabatikos sa mga pari at obispo. “Smell like the sheep” (Maging sing-amoy ninyo ang mga tupa). Ano nga ba ang amoy ng tupa? Sa madaling salita, lumabas kayo. Magpaaraw! Bumaba sa mga pamayanan ng mahihirap! Huwag maging iba kundi pagsikapang higit na maging kamukha, kaamoy, kapanalig at ka-pag-asa ang mga maliliit at maralita nating mga kapatid.
Ganitong-ganito ang ginawa namin noong huling araw ng taon, noong Disyembre 31, 2024. Hinanap namin ang mga nakatago, hindi nagpapakitang mga kasapi sa mga pinakamahirap na pamayanan ng ating parokya. Saan namin sila natagpuan? Sa ilalim ng mga tulay ng Project 8, Quezon City.
Nang dumating kami sa mga tulay, nagsipaglabasan mula sa ilalim ang ating mga maralitang kababayan. Bagama’t kami ang may pamasko at bagong taong handog, higit kaming tumanggap. Ito ang naging buhay ng dalawang Francisco: Papa Francisco at Ka Dodong Nemenzo. Hindi ang magsalita’t mangarap kundi makiisa at maging ka-amoy ang mahihirap at inaaping kapwa at mamamayan.
Mabunga, mapayapa, mapagpalayang Bagong Taon sa lahat!
Comentários