top of page
Search
BULGAR

Panunumpa ng Ika-17 Pangulo ng Pilipinas

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | June 6, 2022


Napakaraming pagpipiliang lugar kung saan isasagawa ang inauguration ni President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. (P-BBM). Siyempre, nagkakaroon ng mga pagbabago sa ilang detalye sa preparasyon upang maging ganap na espesyal ang makasaysayang tagpong ito.


Sa laki naman ng nakuhang boto ni P-BBM, sadyang espesyal ang nakatakdang inagurasyon sa mga Pilipino.


Ang kapatid ni P-BBM na si Irene Marcos-Araneta na siyang itinalagang mamamahala ng pamilya para sa nakatakdang inagurasyon ganap na tanghaling-tapat sa darating Hunyo 30, Huwebes ay unang tiningnan ang unang lugar ang Quirino Grandstand.


Nais kasi ni P-BBM na sa Quirino Grandstand sana isagawa ang kanyang oath taking dahil dito rin isinagawa ang inagurasyon ng kanyang amang si Ferdinand Marcos, Sr. bilang ika-10 Presidente ng Pilipinas na ginanap noong Disyembre 30, 1965.


Nais sundan ni P-BBM ang makasaysayang inagurasyon ng ama bilang paglingon na rin sa kasaysayan kung saan napakarami sa ating mga kababayan ang dumalo para saksihan ang simula ng panunungkulan ng matandang Marcos.


Ngunit dahil hanggang sa kasalukuyan ay tumutugon pa rin tayo sa panahon ng pandemya at ginagamit pa rin ang Quirino Grandstand bilang pasilidad sa pagtuturok ng bakuna laban sa COVID-19, kaya minabuti ni P-BBM na ilipat na lamang sa iba ang nakatakdang inagurasyon.


Mahalaga kay P-BBM at sa kanilang pamilya ang naturang inagurasyon, ngunit higit ding mahalaga kay P-BBM ang kalagayan ng ating mga kababayan na mas dapat unahin ang kaligtasan kaya nagpasya silang sa iba na lamang ganapin.


Napagkasunduang ang makasaysayang National Museum of Fine Arts na lamang ang gagamiting lugar para sa naturang inagurasyon ni P-BBM bilang ika-17 Pangulo ng bansa at inaasahang dadaluhan ng pinakamalalaking tao sa pulitika kabilang na ang ating mga kababayan.


Matapos magsagawa ng ocular inspection ang inaugural committee na itinalaga ay nakumpirmang maayos at karapat-dapat naman ang naturang lugar para sa darating na inagurasyon ni P-BBM.


Maging ang kapaligiran ng buong building ng National Museum ay sukat na sukat umano sa lahat ng pangangailangan para maisagawa ang maayos na inagurasyon para kay P-BBM kaya sinisimulan na ang malaking paghahanda.


Kilala rin ang National Museum bilang Old Legislative Building , maging ang Old Congress Building at naging tahanan ito ng bicameral congress mula 1926 hanggang 1972 at dito rin ang dating Senate of the Philippines mula 1987 hanggang 1997.


Ang dating Old Legislative Building na nakumpleto ang konstruksiyon noong 1926 ay nagsilbing lugar din para sa inagurasyon ng mga nagdaang Pangulo—tulad nina dating Presidente Manuel L. Quezon noong 1935; Jose P. Laurel noong 1943 at Manuel Roxas noong 1946.


Samantala, ang National Museum of Fine Arts ay pansamantalang isasara mula ngayong araw Hunyo 6 hanggang Hulyo 4 upang bigyang-daan ang isinasagawang preparasyon at iba pang detalye sa paghahanda at muling magbubukas sa Hulyo 5 ng alas-9: 00 ng umaga.


Tuluy-tuloy naman ang operasyon ng National Museum of Anthropology at National Museum of Natural History at kung may pagbabago man ay agad namang magpapalabas ng anunsiyo ang kanilang tanggapan.


Mas mauuna naman ang inagurasyon ni Vice-President-elect Sara Duterte na isasagawa sa kanyang hometown sa Davao City sa Hunyo 19 na inaasahang dadaluhan naman ng kanyang mga mahal sa buhay at tagasuporta.


Bilang bahagi pa rin ng paghahanda ay nakatakdang magpadala ng karagdagang puwersa ang mga kaanib ng Philippine National Police (PNP) upang panatilihin ang katahimikan sa isasagawang inagurasyon ng Pangulo at ng ikalawang Pangulo ng bansa.


Nakatutok umano ang PNP hindi lamang sa paligid ng National Museum kung hindi sa pagkalap din ng impormasyon kung may banta ba hinggil sa kaligtasan ng dalawang bagong lider ng bansa.


May ugnayan na rin ang umano ang Police Security and Protection Group ng PNP at ang Presidential Security Group (PSG) para matiyak na ligtas ang isasagawang inagurasyon lalo pa at may naganap pagsabog kamakailan sa Mindanao.


Nagbuo na rin ng task force ang PNP na magmamanman sa dalawang lugar na pagdarausan ng inagurasyon upang matiyak na hindi makagagawa ng kaguluhan ang mga nais magsagawa ng kilos-protesta na hindi naman pipigilan basta’t may kaukulang permiso lamang.


Tiyak namang magkakaroon ng pag-uusap sa pagitan ng pulisya at ng mga regular na nagsasagawa ng protesta na sana lang daluhan na rin ng representante mula sa Commission on Human Rights (CHR) upang makabuo ng pagkakasunduang panuntunan para hindi na humantong sa kaguluhan ang lahat.


Kung sa kabila ng pag-uusap ay nauwi pa rin sa karahasan ang lahat ay wala ng masasabi ang CHR na may nang-abuso o naagrabyado dahil alam nila ang pinagkasunduan.


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page