ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | February 05, 2022
Araw-araw, ang laman ng balita ay halos puro na lang negatibo, puro nakababahala sa tao. Pero ngayon, gusto naman nating maghatid ng maganda-gandang balita, lalo na sa mga miyembro ng Sangguniang Kabataan (SK).
Nitong Miyerkules ng hapon, ratipikado na ng Senado at ng Kamara ang Senate Bill 2124 at ang House Bill 10698, ayon sa pagkakasunod. Layunin ng mga panukalang ito na isabatas ang pagbibigay ng honoraria sa mga miyembro ng SK.
Bilang chairperson ng Committee on Youth sa Senado, tayo ang tumayong sponsor ng panukalang ito. Naniniwala tayo na sa pamamagitan ng pagkilala sa kontribusyon ng mga batang opisyal sa nation building, natutulungan din natin silang maging mas dedicated at epektibo sa kanilang tungkulin.
Malaki ang pagpapahalaga natin sa kabataang opisyal ng SK dahil sila ang nagsisilbing ehemplo ng kabataan pagdating sa disiplina at pagkalinga sa komunidad.
At upang mahikayat pa ang ibang kabataan para maging kinatawan ng kanilang sektor sa pamamagitan ng SK, nararapat lamang na ipakita rin natin sa kanila na ang pagsisikap na makatulong sa lipunan ay talaga namang naa-appreciate natin. Munting bagay na maibalik sa kanila ang kawanggawa, malaking pagsisilbi naman ang kanilang gagawin para sa atin.
Sa sandaling tuluyan itong maging batas, lahat ng SK members sa buong bansa, kasama na ang chairperson, kagawad at appointed officials ay makatatanggap na ng buwanang honorarium. Ang halagang ilalaan dito ay hindi lalagpas sa 25 porsiyento ng SK funds at hindi rin tataas sa sinasahod ng SK chairperson.
At sa sandaling maisabatas, magpapalabas ang Department of Budget and Management ng mga kaukulang alituntunin para sa tuluyang implementasyon nito.
Sa ilalim ng reconciled version ng panukalang ito, iniaatas na ang lahat ng SK members na pormal nang naitatag bilang mga opisyal ng organisasyon ay kailangang makapagtalaga rin agad ng kanilang Ingat-Yaman o Treasurer.
Nakasaad din na ang itatalang treasurer ay kailangang nakapagtapos ng kursong may kinalaman sa business administration, accountancy, finance, economics o bookkeeping.
Umaasa tayo na sa lalong madaling panahon, magiging ganap na batas ang ating panukala dahil lagda na lang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kulang para tuluyan na itong mapagtibay.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com
Comments