top of page
Search

Panukala laban sa school bullying, isinumite ng EDCOM II

BULGAR

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Jan. 23, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Isinumite kamakailan ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) sa Department of Education (DepEd) ang panukala nitong mga rebisyon sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act No. 10627 o mas kilala sa tawag na Anti-Bullying Act of 2013. Mahalagang hakbang ito upang gawing mas ligtas na espasyo ang ating mga paaralan, lalo na’t marami pa rin sa ating mga mag-aaral ang nakakaranas ng bullying. 


Matatandaang sa 2022 Programme for International Student Assessment, lumabas na isa sa tatlong mag-aaral na 15 taong gulang ang nakaranas o nakakaranas ng bullying nang hindi bababa sa isang beses sa isang linggo. 


Pinuna ng EDCOM II na mula noong maisabatas ang Anti-Bullying Act of 2013, hindi na naging pare-pareho ang paraan ng mga paaralan sa pagpapatupad ng naturang batas. Isa sa mga hamon ang kakulangan ng mga trained personnel, lalo na ang mga guidance counselors sa mga paaralan. 


Kaya naman isinusulong ng EDCOM II ang mga rebisyon sa IRR ng batas upang mapaigting ang pagpapatupad ng mga programa kontra bullying. Halimbawa, iminumungkahi ng komisyon ang pagkakaroon ng Learner Rights and Protection Office (LRPO) na mangunguna sa pagbalangkas ng framework at standards para sa mga anti-bullying program. Ang LRPO din ang magpapanatili ng central repository ng mga kaso ng bullying, resulta ng mga imbestigasyon, at ang naging kaukulang aksyon. 


Magiging mandato rin sa lahat ng mga pampubliko at pribadong paaralan sa elementary at high school na magkaroon ng mga anti-bullying policies na angkop sa kanilang mga konteksto. Magtatalaga rin ang mga eskwelahan ng discipline officer na magpapatupad ng mga polisiya at bantayan ang kilos ng mga mag-aaral sa loob ng iskul. 


Kaugnay ng mga polisiyang ito ang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Republic Act No. 12080) na isinulong ng inyong lingkod. Matatandaang mandato ng batas na ito ang pagkakaroon ng School-Based Mental Health Program upang pangalagaan ang mental health ng mga mag-aaral at itaguyod ang kanilang kapakanan. Upang matugunan ang kakulangan ng mga guidance counselor, lumikha ang batas ng mga posisyong school counselor at school counselor associate. 


Sa ilalim ng panukala ng EDCOM II, magiging tungkulin ng mga school counselor at school counselor associate ang pagtiyak sa kaligtasan ng mga biktima, mismong mga bully, mga impormante, mga saksi sa insidente ng bullying, at iba pa. Magiging tungkulin din nila ang pagsasagawa ng mga capacity-building activities para sa mga guro at ibang kawani, pati na rin ang mga regular na programa para dagdagan ang kaalaman ng mga magulang, parent-substitutes, mga mag-aaral, at iba pang mga stakeholder ng paaralan. 


Nananatiling malaking hamon ang pagpuksa sa bullying ngunit naniniwala ako na kung tayo ay magtutulungan, magagawa nating mas ligtas ang ating mga paaralan at mga mag-aaral. 


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

תגובות


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page