top of page
Search
BULGAR

Pantay na oportunidad para sa mga atletang Pinoy na may kapansanan

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | August 16, 2023

Sa umpisa ng aming trabaho sa Senado ngayong linggong ito, Lunes, August 14, bilang chair ng Senate Committee on Sports, ay pinangunahan natin ang public hearing ng Senate Bill No. 423, o Philippine National Games (PNG) Act na tayo ang may akda. Kung makapasa at maging ganap na batas, layunin nitong mapalawak ang grassroots sports development at mapaganda ang oportunidad para sa mga atletang Pilipino.

Sa pamamagitan ng PNG, lilikha tayo ng pambansang platform para sa ating mga atleta, lalo na ang mga kabataan mula sa probinsya, kung saan maipakikita nila ang kanilang husay. Bahagi ng inisyatiba ang pagkakaroon ng magkakaugnay at komprehensibong national sports plan upang ang matutuklasan na mahusay na mga kabataang atleta ay maisailalim sa mas advance na pagsasanay upang higit silang mahasa.

Layunin din nito na mahikayat ang mga lokal na opisyal na palaganapin ang sports sa mga barangay, munisipalidad, lungsod at probinsya. Aalalayan din ang iba’t ibang National Sports Associations sa pag-oorganisa ng kanilang sports programs sa grassroots level.

Magandang maisabatas ito para magkaroon ng pangmatagalang kumpetisyon na magiging plataporma ng aspiring national athletes at masiguro natin na mabibigyan ito ng gobyerno ng prayoridad. Sa pag-i-institutionalize ng PNG, itinataguyod natin ang pagpapalakas ng ating grassroots sports programs, pagpapaunlad ng ating physical education, at ang paghubog sa mga kabataan na maaaring magbigay ng karangalan sa ating bansa.

Napag-usapan rin ang aking nai-file na panukalang SBN 2116 na naglalayon na amyendahan ang Section 8 ng Republic Act No. 10699, o ang “National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act.” Kung maaaprubahan, matataasan ang insentibo ng ating para athletes na mag-uuwi ng medalya mula sa kuwalipikadong international competitions. Sa ngayon ay mas maliit ang kanilang natatanggap kumpara sa ibang elite national athletes.

Tandaan natin na nagpagod din sila, nag-training at parehong ginto, silver, o bronze na karangalan ang naiuwi nila gaya ng ibang medalists na walang kapansanan gaya nila. Hindi naman yata tama na porke’t disabled sila ay iba ang kanilang matatanggap na insentibo.


Ang incentives ay hindi lang rewards kundi pagkilala na rin sa kanilang pagsisikap at dedikasyon. Kaya para sa akin, suportahan dapat natin ang lahat ng mga atleta sa pantay na paraan at mabigyan ng parehas din na oportunidad.

Sabi nga ni Angel Mae Otom, isa sa ating nagwaging swimmer sa katatapos na 12th ASEAN Para Games sa Cambodia, sakaling maisabatas ang SBN 2116 ay makatutulong ito sa kanilang hanay, lalo na sa mga beterano na at matagal nang nagbibigay ng karangalan sa ating bansa, gayundin sa mga susunod pang henerasyon na mag-uuwi ng mas maraming karangalan para sa Pilipinas.

Binigyang-diin ko rin sa nasabing pagdinig na dahil sa pagsisikap natin noon, naisabatas ang Republic Act No. 11470 na tayo ang author at co-sponsor. Sa pamamagitan ng RA 11470, naitatag ang National Academy of Sports (NAS) System sa New Clark City Sports Complex sa Capas, Tarlac. Katuparan ito ng ating pangarap na magkaroon ng dedicated academy para sa mga kabataang Pilipino na may angking husay sa sports. Ito ay may secondary education program na may integrated special curriculum sa sports. Puwede silang mag-training, at the same time, puwede silang mag-aral. Walang masasakripisyo.

Naging instrumental din tayo para madagdagan ang pondo ng Philippine Sports Commission na ating ipinaglaban sa deliberasyon ng 2023 national budget. Sa katunayan, ang budget sana ng PSC ay nasa humigit-kumulang P200 million lamang.


Tayo ang nag-defend at nagsulong ng dagdag sa pondo nila kaya nabigyan ito ng P1 billion, kasama na ang budget para sa iba pang grassroots sports programs gaya ng Batang Pinoy, dagdag pondo sa pagdaraos ng FIBA 2023, at suporta sa mga lalahok sa international competitions.

Lahat ng ating inisyatiba para mag-invest sa sports ay nakalinya sa ating pag-engganyo sa kabataan to get into sports, stay away from drugs. Disiplina rin ang kailangan sa pagbuo ng mas magandang kinabukasan ng mga kabataan.

Dahil bisyo ko ang magserbisyo, patuloy tayo sa pag-alalay sa mga kababayan nating nahaharap sa iba’t ibang krisis. Kahapon, August 15, namahagi tayo ng tulong sa 1,500 mahihirap na residente ng Tanay, Rizal katuwang ang tanggapan nina Mayor Lito Tanjuatco at Vice Mayor Rex Tanjuatco. Nakasama rin natin doon si Gov. Nini Ynares at iba pang lokal na opisyal.

Dinaluhan naman natin noong August 12 ang Fire Senior Leadership Course Class “Tagapangasiwa” 2023-15 Graduation Ceremony sa Davao City sa paanyaya ni FCSUPT Belinda Ochave, director ng National Fire Training.

Hindi rin tumitigil ang aking tanggapan sa paghahatid ng tulong sa mga naapektuhan ng bagyo at baha dulot ng Typhoon Egay. Sa Benguet ay nakapagkaloob tayo ng 2,500 food packs.


Nakapamahagi rin tayo ng 2,200 sa Bulacan, bukod pa ang 500 sa Bocaue, at 450 sa Calumpit.


Narating din natin ang Macabebe, Pampanga at nakapamigay ng 500 food packs; at 250 naman sa Dinalupihan, Bataan.

Maagap din tayong umalalay sa mga nabiktima ng magkakahiwalay ng insidente ng sunog.


Nasuportahan natin ang pagbangon ng 26 na nasunugan sa Cebu City at Lapu-Lapu City; 21 sa Bgy. Pojo, Bugasong, Antique; 13 sa Pikit, North Cotabato; at isa sa Sultan Kudarat.

Tinulungan natin ang 500 miyembro ng iba’t ibang sektor sa Janiuay, Iloilo; 400 sa Tarlac City; 300 sa Lucena City, Quezon; 150 sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte; 125 na barangay health workers sa Ronda, Cebu; at 40 sa Kidapawan City. Namahagi rin tayo ng token sa 21 tech-voc graduates ng Training Center for Skills and Development, Inc. sa Manila City.

Muli akong nagpapasalamat sa ibinibigay ninyong pagkakataon sa akin na kayo ay mapaglingkuran. Asahan ninyo na ipagpapatuloy ko ang aking bisyo na magserbisyo sa bawat Pilipino, at lagi akong magmamasalakit sa kapwa ko. Huwag kayong mahihiyang lumapit sa akin, kalabitin n’yo lang ako, o ‘di kaya ay tawagin n’yo lang akong Bong Go kapag nagkita tayo, at handa akong tumulong sa inyo sa abot ng aking makakaya at kapasidad.


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page