top of page
Search

Pantay na karapatan para sa mga kababaihan

BULGAR

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Mar. 5, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Mahirap maisip sa kasalukuyan ang sinaunang panahong hindi pa makaboto ang mga Pilipina. Kung hindi dahil sa pagsusumikap ng matiyagang kababaihan gaya nina Pura Kalaw, Clemencia Lopez at Concepcion Felix Roque ay hindi makakamit ang karapatang ito. Inabot pa ng may tatlong dekada ang pagkumbinse nu’ng umpisa ng ika-20 siglo na mapasama ang mga Pilipina sa nakaboboto.


Dumaan pa nga muna iyon sa plebisitong may kondisyon: Kailangang hindi bababa sa 300,000 ang makakalap na mga pirma ng kababaihan bilang pagpapatunay ng kanilang pagnanais na maging botante. Ang kinatapusan noong ika-30 ng Abril 1937: 447,725 na mga Pilipina ang bumoto ng pagsang-ayon sa karapatang makaboto.


Sa kabila ng karaniwan nang pribilehiyong iyan at iba pa, matimbang na usapin pa rin ang pagkakapantay ng mga kababaihan sa kalalakihan pagdating sa mga karapatan.


Kung kaya’t patuloy na mahalaga ang taunang pagtanaw sa ika-8 ng Marso o ang darating na Sabado, bilang Pambansang Araw ng Kababaihan o National Women’s Day, na nag-uugat sa nataguriang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan o International Women’s Day. Ang buong Marso mismo ay National Women’s Month sa Pilipinas at International Women’s Month sa maraming lupalop sa daigdig. 


Sa isang banda at ayon sa Philippine Commission on Women, may mga espesyal na palatandaan ang pagdiriwang ng naturang araw sa taong ito. Bukod sa ika-30 anibersaryo ng nabanggit na komisyon, ngayong 2025 din ang ika-45 na taon ng pagpirma ng Pilipinas sa Convention on the Elimination of All Forms of Discrimination Against Women, pati ang pagtatapos ng 30-taong Philippine Plan for Gender-Responsive Development. At tatlong dekada na ang nakalipas mula nang maipakilala ang polisiya na pang-Gender and Development budget sa bisa ng Republic Act (RA) 7845. 


May iba pa tayong mga batas na pumapabor sa kapakanan ng kababaihan. Kabilang dito ang RA 11210 o ang 105-day expanded maternity leave law, na nagpalawig ng dati’y 60 na araw lamang na nasasaklawan ng benepisyong ito; ang RA 6725 o ang Prohibition on Discrimination Against Women, na may kinalaman sa pinapasukan bilang empleyado; ang RA 9262 o ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004; ang RA 7882 na ukol sa Provision of Assistance to Women Engaging in Micro and Cottage Business Enterprises; ang RA 7877 o ang Anti-Sexual Harassment Act of 1995; ang RA 8353 o Anti-Rape Law of 1997; at ang RA 9710 o ang Magna Carta of Women, na komprehensibong batas ukol sa karapatang pantao ng mga Pilipina, lalo na sa mga kabilang sa marginalisadong sektor ng ating lipunan. 


Sa kabila ng mga alituntuning nakatutulong sa mga Pinay, kailangan pa ring maging maingat at mapagmatyag ukol sa pagpapatupad ng karapatan nating kababaihan lalo na sa panaong antas, sa loob o labas man ng bahay. Sa madaling salita, ang pagpapabuhay ng karapatang pang-Pilipina ay nakasalalay sa bawat isa sa atin.


Nasa ating mga kamay, halimbawa, ang paglalayon at pagpupursigeng ang apektadong mga babae ay maiahon sa kahirapan, maisalba mula sa kasakiman o kagahamanan at mapigilang mag-asawa o mabuntis nang napakaaga. Lalo pang ilayo ang kababaihan, paslit man o may edad, sa mga pagkakataon na maging biktima ng kahirapan, karahasan o pang-aabuso.


Kumpara sa kalalakihan, mas delikado ang buhay para sa kababaihan ng anumang edad, kaya dapat matiyak na sila’y armado ng karunungan at kakayanang maitaguyod at maipaglaban ang kanilang sarili. 


Pagdating sa ating tahanan, ang kalalakihan ay ating hinihikayat na tumulong sa gawaing bahay at pag-aalaga ng mga anak. Pagdating sa pinagtatrabahuhan, respetuhin ang mga pinuno at katrabaho na babae at ipagdiwang ang kanilang hindi matatawarang ambag. 


Sa mga namumuno ng mga kumpanya na hindi pa patas ang trato sa kakayanan ng kababaihan at kalalakihan, buksan ang diwa’t isipan at palakasin ang mga babaeng may binatbat pagdating sa pamamahala.


Irespeto ang kababaihan sa bawat pananaw at gawain. Itigil ang mapambusabos at walang saysay na paglalarawan sa kanila sa mga serye o pelikula at iwasang tangkilikin ang anumang palabas o lathalaing nakababastos sa kanila. Huwag ring tularan ang mga tao, gawain o institusyong itinataguyod ang pang-aapi, pang-aalipusta o pangmamaltrato sa kababaihan. 


Dahil may napipinto tayong halalan, suriin din natin ang mga tumatakbo at tingnan ang kanilang mga nagawa o inihahaing plataporma at ipinapamalas na katapatan upang isulong ang kapakanan ng kababaihan.


Hindi layaw ang hangaring magkapantay-pantay ang kababaihan sa kalalakihan pagdating sa mga karapatan, kalayaan, kamalayan at kabuhayan. Kailangan lamang ng malawakang pagpukaw at pagpapaunawa sa lahat, sa bawat bahagi ng lipunan. May saysay na pausbungin ang karapatan ng kababaihan, lalo na’t makatutulong ito sa pagkakamit ng solusyon sa napakaraming suliranin sa iba’t ibang aspeto ng pamumuhay, sa ekonomiya man o sa mga nagbabadyang krisis ukol sa klima at kalikasan.


Kung patuloy na maitataguyod ang karapatang pang-kababaihan, mas marami pang maiisip at magagawang kabutihan ang mga Pilipina para sa kaunlaran, kasaganaan at kapayapaan ng sambayanan.


Kung tatanawin, palaging abot-kamay ang pagsasakatuparan ng mga karapatang pang- kababaihan, hindi lang mga Pilipina ang ganap at ultimong magwawagi kundi ang mismong sangkatauhan.


 

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page