top of page
Search
BULGAR

Paniningil ni P-Digong sa Amerika, ‘di pangongotong!

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | February 26, 2021



Sa panahon ngayon na maraming bansa ay naghihikahos dahil sa pandemya, hindi makatuwirang manlibre lalo na kung ang ililibre ay ‘superpower’, tulad ng Amerika!


Ang tinutukoy natin ay ‘yung kahit wala nang base militar ng U.S. dito sa atin, eh, patuloy pa rin ang pagpronta ng Pilipinas bilang unang depensa ng Amerika sa Indo-Pacific region.


At huwag ka! Bukod sa buwis-buhay nating kabutihang-loob, pati ang tubig at kuryente natin sa ating mga military base, Pilipinas pa rin ang nagbabayad. Hello? Tama ba ‘yan?


Napakaraming Pilipino ang hindi kayang magbayad sa tubig at kuryente ngayong may pandemya. Itutuloy pa rin ba ang subsidiya sa mga Amerikano?


Kung wala ang Pilipinas, ang kalakal ng Amerika pati na ang mga pangako nito sa seguridad ng rehiyon ay hihina. Ngunit dahil sa pagtanggap natin sa U.S forces, magiging target ang Pilipinas ng mga kalaban ng Amerika, kahit hindi tayo direktang kasali sa anumang giyera na maaaring pumutok sa ating rehiyon.


Noong World War 2, binomba ng Japan ang Pilipinas dahil tayo ay US colony noong panahon na ‘yun. Ang resulta, isa ang Manila sa dumanas ng pinakamadugo at pinakamalaking pinsala sa buong mundo pagkatapos ng pandaigdig na digmaan.


Huwag naman sana tayong pumayag na maulit ang kasaysayan at patuloy na abusuhin.


IMEEsolusyon d’yan, i-review ang EDCA (Enhanced Defense Cooperation Agreement) na pinirmahan ng U.S. at Pilipinas noong Abril 2014.


Sa ilalim ng EDCA, ang Amerika ay maaaring mag-stockpile ng kanilang mga gamit pandigmaan at mag-deploy ng kanilang mga tropa sa limang kampo militar sa Pilipinas.

Ang dating bayad sa ating gobyerno bago mapaalis ang mga U.S. bases halos tatlong dekada na ang nakaraan ay naiiwasan din ng Amerika, ‘di ba? Kaya’t pabor tayo sa sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na kailangang magbayad ng patas ang U.S. sa atin!

Hindi ‘yan pangongotong, puwede ba?! Karapatan nating naningil ng nararapat dahil seguridad ng ating bansa at buhay ng mga Pilipino ang nakataya rito!

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page