top of page
Search
BULGAR

Panibagong pagluluwag sa GCQ areas, ‘wag sanang mauwi sa hawaan

ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | February 14, 2021



Dahil hindi umano tumataas ang “attack rate” ng COVID-19, pinayagan na ang mas maluwag na patakaran sa general community quarantine (GCQ) areas sa ilang industriya.


Inaprubahan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) mula sa kasalukuyang 30% ay itataas sa 50% ang capacity sa religious gatherings sa mga lugar na nasa GCQ.


Gayundin, pinayagan ang ilang industriya o aktibidad na magbukas o dagdagan pa ang kapasidad, pero kailangan nilang sundin ang ilalabas na patakaran ng Department of Health (DOH) at lokal na pamahalaan. Kabilang sa mga magbubukas ang driving school, traditional cinemas, video and interactive game arcades, libraries, archives, museum at cultural center, meeting, incentives conferences and exhibitions, limited social events, accredited establishments ng Department of Tourism, at tourist attractions tulad ng park, theme park, natural sites at historical landmarks.


Bukod sa Metro Manila, nasa ilalim din ng GCQ ang Cordillera Administrative Region (CAR), Batangas, Tacloban City, Davao City, Davao del Norte, Lanao del Sur at Iligan City.


Ikinatuwa naman ng ilang sektor ang pagluluwag ng patakaran dahil senyales ito ng unti-unting paggalaw ng ekonomiya sa bansa. Gayundin, malaking tulong ito sa iba nating kababayan dahil balik-trabaho na rin sila, ibig sabihin, may pagkakakitaan na rin kahit papaano.


‘Yun nga lang, kailangan nating matiyak na masusunod ang mga umiiral na health protocols sa lahat ng oras.


Baka kasi ang mangyari, maging kumpiyansa tayo na porke mababa ang attack rate ay wala nang hawaan, pero ang ending, baka biglang taas pala ang COVID-19 cases.


Pero siyempre, hindi lang ang mga industriyang magbabalik-operasyon ang dapat sumunod sa health protocols kundi pati tayong mamamayan.


‘Ika nga, kusa na tayong sumunod at ‘wag nang magpasaway. Ang pagluluwag na ito ay hindi para umasta tayong normal na ang lahat kundi para makatulong sa ekonomiya.


Sa panahon ng pandemya, higit nating kailangan ang kooperasyon ng bawat isa.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page