top of page
Search
BULGAR

Panibagong health crisis, nagbabanta dahil sa kapabayaan ng Philhealth

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | November 6, 2021



Gumagawa na naman yata ng panibagong problema ang PhilHealth. Nakakatakot pa naman ang puwedeng mangyari ‘pag hindi naresolba ang patung-patong na PhilHealth claims.


Sa mga hindi pa nakakaalam, nagbanta ang asosasyon ng mga pribadong ospital na bibitaw na sila sa PhilHealth dahil bilyun-bilyon na ang hindi nababayaran sa kanila ng state health insurer.


Ano ang magiging resulta nito? Panibagong health crisis ‘yan, malamang at sa malamang.


Wala pa ngang katiyakan kung makababangon na nga ba talaga tayo sa COVID, may panibago na naman tayong iisiping problema sa health system natin. ‘Pag kumalas ang private hospitals sa PhilHealth, malaking problema para sa mga pasyenteng umaasa rin sa tulong ng kontribusyon nila sa health insurance na ‘yan.


Kaya sa PhilHealth, lalo na sa kanilang president na si G. Dante Gierran, Sir, noong pumalit kayo sa puwesto na iniwan ni Gen. Ricardo Morales, umasa kami na kayo na ang makasasagot sa mga isyung bumabalot sa PhilHealth. Pero hanggang ngayon pala, patuloy na lumalala ang problema ninyo sa unpaid claims. Ano ba ang problema?


Sabi ng Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI), ang mga ospital na nagbantang kumalas sa PhilHelth ay mga private hospitals sa Metro Manila, Iloilo, Cagayan Valley at General Santos City. Napakarami niyan at nakakatakot isipin kung totohanin nila ang pakikipag-break sa PhilHealth dahil sa pagiging iresponsable ninyo sa mga bayarin.


Matagal nang nagrereklamo ang mga ospital na ‘to tungkol sa napakabagal na proseso ninyo sa reimbursements. Baka puwede naman ninyong pakibilis-bilisan ang pagproseso? Hindi na natin kakayanin ang panibagong health system failure, lalo na sa mga panahong ‘to.


Isa pang nakakatakot na mangyari — ang posibleng pagsasara ng private hospitals, lalo na ‘yung maliliit na ospital sa probinsiya. Sino ba ang mapeperwisyo, kundi mga kababayan natin sa mga lugar na ‘yan na nangangailangan ng health services?


Ang hindi lang natin maintindihan, bakit hirap na hirap tayong mag-reimburse, eh, milyun-milyong Pinoy ang naghuhulog o nagbabayad ng PhilHealth dues nila? Isa pa, binigyan kayo ng gobyerno ng P70 bilyong subsidiya noong nakaraang taon para makapagbayad nga kayo sa mga nakaraang claims. Ano na ang nangyari rito? Bakit umabot na sa P20 bilyon ang utang ninyo sa private hospitals?


Dapat na talagang makialam ang Anti-Red Tape Authority (ARTA) rito. May mali. May problema. Ito na dapat ang unahing isyu ng ARTA. Nasa national emergency pa rin tayo hanggang ngayon, at itong usapin na ‘to, parte ito ng health emergency.


Kung ang local governments, kumikilos para makatulong sa tao, DSWD — bakit ang PhilHealth, napakabagal na tumupad sa tungkulin nila?


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page