ni Mylene Alfonso @News | July 17, 2023
Iginiit ng isang mambabatas ang kahalagahan ng pagpapalakas ng water conservation efforts at pagpapatupad ng sustainable practices, kasunod ng napipintong kakulangan sa tubig dulot ng El Niño phenomenon.
“Kailangan din po natin sa mga ahensya ng gobyerno, sa mga LGUs, lalo na sa mga barangay level, mas paigtingin po natin ‘yung kampanya sa water conservation. Kung hindi naman po kailangan, ‘wag n’yong gamitin ‘yung tubig, i-check n’yo (kung may) mga leakage (para) walang masayang. Gamitin lang natin nang tama para hindi tayo magkaroon ng water shortage,” ayon kay Sen. Bong Go, sa isang panayam sa kanyang pagbisita sa Carcar City.
Tinukoy din ang obligasyon ng mga water service providers na makapaghatid ng tuluy-tuloy at walang patid na serbisyo sa publiko.
Una nang inihayag ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Undersecretary Carlos David na ang bansa ay mayroon pang sapat na suplay ng tubig, ngunit binigyang-diin ang kahalagahan ng tamang pangangasiwa.
Naglabas din ang Water Resources Management Office (WRMO) ng DENR ng Bulletin No. 1, na nagsasaad ng mga gabay para sa mga government building administrator kaugnay ng water management practices.
Iminungkahi rin ni Go ang isang intensified greening program bilang isang pangmatagalang solusyon.
“Kailangan na mas maraming punongkahoy na itatanim natin sa ating mga watershed. When I say greening program, hindi lang magtanim ng seedlings, tapos iwanan na. Kailangan po mayroong follow-up. Kaya po tayo mayroong DENR din po na puwedeng mamahala rito,” ani Go.
Comments