top of page
Search
BULGAR

Pangingibang-bansa at muling pagnenegosyo, daan para tuluyang yumaman

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | September 7, 2024



Kapalaran Ayon Sa Palad

KATANUNGAN 

  1. May negosyo kaming internet café. Noong una ay malakas ang kita rito. Kaya lang mula nang pumasok ang taong 2023, hindi na ganu’n kalakas ang benta, at feeling ko nalulugi na rin kami. 

  2. Kung sakaling tuluyan nang malugi ang aming negosyo, gusto ko sanang muling mangibang-bansa. Dati na akong OFW at puwede pa naman ako bumalik doon, dahil nangako dati ‘yung employer ko na tatanggapin umano nila ako, kung sakaling maisipan kong mag-abroad muli.

  3. Gayunman, naisipan kong sumangguni sa inyo upang itanong kung ano ba talaga ang dapat naming gawin? Dapat ko na ba talagang isara ang aming negosyo at mag-abroad na lang o dapat ba akong kumuha ng puhunan, dahil baka ganito lang talaga ang negosyo, humihina at muling lalakas lalo na papalapit na ang Kapaskuhan?

 

KASAGUTAN

  1. Kung pagkain ang iyong produkto o ‘di kaya mga bagay na swak ngayong Pasko, tiyak na lalakas nga ang inyong negosyo pagdating ng Kapaskuhan. Pero dahil internet café ang inyong negosyo na ang karaniwang kliyente ay mga estudyante, malamang kahit na dumating pa ang Pasko at Bagong Taon, hindi na talaga lalakas o makaka-recover pa ang nalulugi n’yong negosyo, lalo na lahat ng tao ngayon ay may kani-kanyang ng cellphone at internet connection.

  2. Kaya ang pinakamabuti mong gawin ay ‘wag n’yo nang hintayin pang dumating ang Pasko. Kung hindi sapat ang inyong kinikita at nababaon lang kayo sa utang, tuluyan n’yo nang isara ang inyong negosyo. Ito ang nais sabihin ng Guhit ng Negosyo (Drawing A. at B. N-N arrow a.) na agad na nahulog sa pagitan ng palasingsingan at hinlalato (arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Pero may isa pang guhit ng negosyo na medyo nag-stay at maayos ang pagkakalinya (N-N arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, kung mag-iiba ka ng produkto, may pag-asa pang maayos ang nalulugi n’yong kabuhayan.

  3. Samantala, kung mag-i-stay ka sa kasalukuyan mong negosyo na hindi naman talaga kumikita, darating ang takdang panahon na tuluyan na kayong malulugi hanggang sa lalo pa kayong mabaon at malubog sa pagkakautang. Gayunman, kung gusto mong ituloy ang pagnenegosyo habang wala pang offer sa abroad o nag-aayos ka pa ng mga papeles, mag-isip ka ng negosyong may kaugnayan sa online selling o kaya pagkain, dahil d’yan kayo aangat at mas kikita ng malaki. 

  4. Tungkol naman sa pangingibang-bansa, rito ka mas higit na papalarin kaysa sa negosyo, maliban na lang kung may kaugnayan ito sa pagkain at online business, na madaling kinumpirma ng malinaw at malawak na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow d.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, tama ang iniisip mong isara ang internet café at bumalik sa ibayong-dagat. Sa nasabing pagbabalik sa abroad upang magtrabaho, ang napakagandang Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad ang nagsasabi na sa muling pamamasukan sa ibayong-dagat, mas madali kang uunlad, makakapag-ipon ng maraming pera hanggang sa muli kayong sumagana at umasenso sa kabuhayan.

 

MGA DAPAT GAWIN

  1. Ayon sa iyong mga datos, Ravena, tulad ng nasabi na sa itaas, bago ka tuluyang malugi at malubog sa pagkakautang, isarado mo na ang iyong internet café at palitan ng negosyong may kaugnayan sa pagkain at online business. 

  2. Gayundin, simulan mo na mag-apply sa abroad at habang hindi ka pa tinatawagan, tulad ng nasabi na, unti-unti mong palakasin ang negosyong nabanggit. Kapag nagawa mo ‘yan, sa susunod na taong 2025 hanggang 2026, itatala ang ikalawang mas mabunga at mas mabiyayang pangingibang-bansa sa iyong kapalaran na malinaw na hudyat ng isang panibagong hamon na magreresulta sa iyong pag-asenso at pag-unlad hanggang sa tuluyan kang yumaman.  


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page