ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Mar. 23, 2025

MARAMI SA ‘MANOK’ NI PBBM SA SENATORIAL ELECTION ANG MATATALO KAPAG HINDI BINITBIT NG INC -- Lalong lumabo ang pangarap ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na magwagi ang lahat ng 12 “manok” niya sa pagka-senador dahil nagpalabas na ng statement si Iglesia ni Cristo (INC) spokesman Bro. Edwin Zabala na kinokondena ng kapatiran ang naging desisyon ng Marcos admin na hulihin ng PNP, i-turnover sa Interpol at ikulong si ex-P-Duterte sa International Criminal Court (ICC) jail sa The Hague, Netherlands.
Ibig sabihin, kapag nagdesisyon ang liderato ng INC na walang bitbitin isa man sa senatorial candidates ng Alyansa ng Bagong Pilipinas, malamang marami sa 12 “manok” ni PBBM sa pagka-senador ang matatalo sa halalan, period!
XXX
DAPAT SA ‘PINAS NA LANG KINASUHAN AT IKINULONG SI EX-P-DUTERTE, HINDI SA DAYUHANG BANSA -- Sabi ng INC hindi raw talaga katanggap-tanggap ang ginawa ng Marcos admin na ang isang Pilipino, lalo’t isang dating presidente ang isuko sa foreign country dahil may justice system namang umiiral sa Pilipinas.
May punto talaga ang INC na kondenahin ang Marcos admin dahil puwede namang dito sa ‘Pinas kasuhan at ikulong si ex-P-Duterte, mantakin n’yong pumayag ang gobyerno na sa pagkalayo-layong The Netherlands ipinadala at ipinulong ang ex-president, tsk!
XXX
HINDI DAPAT NAKIKISALI SI PCO SEC. JAY RUIZ SA PAGTULIGSA SA FAKE NEWS DAHIL AMO NIYANG SI PBBM SA FAKE NEWS NANALO -- Sa hearing ng House Tri-Committee patungkol sa fake news, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Sec. Jay Ruiz na pinagwawatak-watak daw ng fake news ang mga Pilipino.
Sa totoo lang, dapat mahiya ang PCO sec. ni PBBM sa pagtuligsa sa fake news kasi sa totoo lang, alam naman ng lahat na ‘hindi magandang plataporma’ ang nagpanalo kay PBBM sa nakaraang 2022 presidential election kundi fake news. Ang ikinalat na fake news ng mga Marcos loyalists vlogger sa social media ang siyang nagpanalo sa noo’y BBM (Bongbong Marcos) kaya naging presidente siya ng ‘Pinas, period!
XXX
HINDI SANA MAKABILANG SI NEWLY APPOINTED DICT SEC. AGUDA SA MGA PALPAK NA MIYEMBRO NG GABINETE NI PBBM -- Itinalaga ni PBBM si digital technocrat Henry Aguda bilang bagong kalihim ng Dept. of Information and Communications Technology (DICT) na kapalit ng nagbitiw na si former DICT Sec. Ivan Uy.
Sana, hindi maging palpak sa kanyang trabaho si Sec. Aguda, kasi sa totoo lang, ilan sa itinalaga ni PBBM na miyembro ng kanyang gabinete ay mga palpak tulad nina Dept. of Agriculture (DA) Sec. Francisco Tiu Laurel na hindi magawang pababain ang presyo ng bigas, Dept. of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Manuel Bonoan na hindi masolusyunan ang problema sa mga lagpas taong baha, Dept. of Environment and Natural Resources (DENR) Sec. Maria Antonia Loyzaga na bigong labanan ang mga illegal logger at illegal miners, at Dept. of Energy (DOE) Sec. Raphael Lotilla na bow lang nang bow sa mga sunud-sunod na oil price hike sa ‘Pinas, boom!
Comments