ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | August 16, 2023
KATANUNGAN
Napansin kong may magandang Travel Line ang aking palad kaya naisipan kong mag-apply sa abroad. Hindi lang ako sure kung matatawagan ako at susuwertehin akong makaalis. Gusto ko sanang malaman kung may magandang kapalaran kaya ako sa pangingibang-bansa?
Ang pangalawa ko namang itatanong ay hinggil sa personal life ko. 32-anyos na ako at hanggang ngayon ay wala pa rin akong nagiging boyfriend na seryoso at pangmatagalan.
May boyfriend ako ngayon at magtu-two years na ang aming relasyon, kaya lang ay bihira kaming magkita dahil sa social media ko lang siya nakilala at bihira rin siyang mag-online.
Matutupad kaya ang mga plano kong makapag-abroad at magkaroon ng pangmatagalang boyfriend? Makakapag-asawa at magkakaroon pa kaya ako ng isang masaya at panghabambuhay na pamilya?
KASAGUTAN
Sadyang may malinaw at malawak na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay tanda na sa takdang panahong inilaan ng kapalaran, malaki ang pag-asa na makapag-abroad ka at sa nasabing pangingibang-bansa, unti-unting gaganda ang buhay mo sa aspetong pangpinansyal hanggang sa makaipon ka at tuluy-tuloy na uunlad ang iyong career at kabuhayan.
Ang pag-aanalisang may positibong resultang magaganap sa inaaturga mong pag-a-apply sa abroad ay madali namang kinumpirma ng lagda mong tuluy-tuloy na gumuhit patungo sa direksyong kanan na tila lumilipad sa kalawakan. Ibig sabihin, ngayon pa lang, nasasagap na ng unconscious mong isipan ang tinatayang mangyayari sa hinaharap - may isang mabunga at produktibong pangingibang-bansa ang itatala sa iyong kapalaran.
Hinggil naman sa iyong love life, nakakatuwang makitang iisa lang ang malinaw at makapal na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na kung sinuman ang lalaking una mong boyfriend, sa bandang huli siya na rin ang nakatakda mong mapangasawa at makakasama sa pagbuo ng isang masaya at panghabambuhay na pagpapamilya.
Ang pag-aanalisang magiging successful at maligaya ang inyong relasyon ng unang lalaking magiging first boyfriend mo ay madali namang kinumpirma ng walang bilog, hindi napatid at tuluy-tuloy ding gumuhit na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow c.) na tuluyan ding sumampa sa Mount of Jupiter (arrow d.) na tinatawag nating Bundok ng Kaligayahan (arrow d.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, hindi ka lang sa pag-a-abroad susuwertehin, bagkus makalipas ang nasabing pangingibang-bansa, susuwertehin ka rin sa larangan ng pag-ibig at pagpapamilya.
MGA DAPAT GAWIN
Habang ayon sa iyong mga datos, Yvette, tiyak na ang magaganap, sa unang hati o sa first quarter ng susunod na taong 2024 may isang mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa ang itatala sa iyong kapalaran.
Pagkalipas ng isa o dalawang taon pa, sa year 2025 o kaya'y 2026, sa edad mong 33 pataas, magkakaroon ka ng boyfriend na makikilala mo sa ibang bansa, ang seryosong pakikipag-boyfriend na ito hindi magtatagal ay hahantong na rin sa isang maunlad, maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya sa taong 2027 sa edad mong 36 pataas.
Comments