ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | November 19, 2022
KATANUNGAN
Nahinto ako sa pag-aaral, kaya dapat ay third year college na ako, pero dahil sa kakapusan sa pera, naobliga akong huminto dahil nagkasakit pa ang nanay ko. Kaya ngayon ay naghahanap ako ng trabaho para makatulong sa aming pamilya.
Gusto kong malaman kung makakahanap ba ako ng trabaho at sa susunod na pasukan, makakapag-aral na ba ako? Pangarap ko kasing maging isang guro balang-araw.
KASAGUTAN
Kapansin-pansing huminto ang Fate Line na tinatawag ding Career Line (Drawing A. at B. F-F arrow a.). Ngunit matapos huminto ng nasabing guhit, agad naman itong nagpatuloy sa tinatahak niyang direksyon (arrow b.), matapos suportahan at tulungan ng Influence Line o Guhit ng Tulong (I-I arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Ibig sabihin, darating ang takdang panahon na ikaw ay muling makakapag-aral at maaayos mo ang iyong career sa tulong ng isang tao na hindi rin iba sa iyo. Maaaring tiyahin o tiyuhin mo, mga nakakatanda mong kapatid, gayundin ang iba pang malalapit na kamag-anak n’yo.
Nangangahulugan ito na makakapag-aaral ka pa ng kolehiyo, basta ituloy mo lang ang iyong pagsisikap at sa sandaling nakita nila na masipag ka, sa panahong ‘yun ay may mag-aalok sa iyo ng tulong upang maabot ang iyong mga ambisyon sa buhay. Madali itong kinumpirma at pinatunayan ng birth date mong 7, na nagpapahiwatig ng mga tulong na dapat mong sunggaban.
Dagdag pa rito, kapansin-pansin din sa iyong mga palad ang malinaw na Effort Line (Drawing A. at B. E-E arrow d.), na tanda namang bukod sa mga tulong na iyong matatanggap ay kaya mong magpakasipag upang suportahan ang iyong sarili. Kumbaga, may diskarte at likas kang abilidad sa buhay, na kinumpirma ng zodiac sign mong Taurus. Sa sandaling ginusto mo talaga at pinagsikapan na makamit ang isang bagay, tiyak na ito ay makakamit mo, higit lalo kung ito ay may kaugnayan sa pagtuturo, sapagkat kinakitaan ka rin ng tinatawag na “teacher’s square” sa Mount of Jupiter (arrow e.). Ito ay malinaw ding tanda na nakalaan sa iyong kapalaran ang makatapos ng pag-aaral at maging lisensyadong guro.
DAPAT GAWIN
Ayon sa iyong mga datos, Marivic, ang mahalaga ngayon ay magsikap ka nang magsikap at mangarap. Sapagkat sa taong 2023 at sa edad mong 22 pataas, sa tulong ng mga taong nabanggit, muli kang makakapagpatuloy ng pag-aaral, hanggang sa tuloy-tuloy mong makamit ang iyong pangarap na maging guro, na nakatakdang mangyari sa taong 2026 at sa edad mong 25 pataas.
Comments