ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | October 29, 2023
KATANUNGAN
Kababa ko lang ng barko. Kaya lang dahil mabilis ang daloy ng pera ay kaunti lang ang naitabi ko. Unti-unting naubos ang ipon naming mag-asawa, kaya nag-isip pa ako ng ibang pagkakakitaan habang hindi pa na-a-approve ‘yung panibagong apply ko sa agency or shipping company namin.
Maestro, matutuloy pa kaya ako sa abroad? May maganda rin kayang mangyayari sa muli kong pagsampa?
Sa ngayon ay may asawa’t anak na ako, at nangungupahan lang kami. May pag-asa rin kaya na matupad ang aming pangarap na magkaroon ng sariling bahay at lupa?
KASAGUTAN
Kapansin-pansin na luminaw, humaba at gumanda ang Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay malinaw na tanda na sa isa pa muling panahon ng iyong buhay, tiyak ang magaganap, kung sa nakaraaang pag-a-abroad mo ay medyo pumalpak dahil sa maliit na kita. Sa edad mong 33 pataas, mas magiging produktibo at masagana ang iyong magiging kapalaran sa larangan ng career at pangingibang-bansa, na pinatunayan at kinumpirma ng gumanda at maayos mong lagda na nagtapos sa isang tuwid o straight line na guhit. Ibig sabihin, habang nagkakaedad at tumatanda ka, paganda naman ng paganda ang iyong kapalaran lalo na pagdating sa career at sa aspetong pangkabuhayan.
DAPAT GAWIN
Kurt, ayon sa iyong mga datos tiyak na ang magaganap sa first quarter o unang hati ng taong 2024, sa buwan ng Pebrero o kaya’y Marso, pinakamatagal na sa buwan ng Abril, tiyak ang magaganap, sa ikalawang pagkakataon may ikalawang mas produktibo at mas mabungang pangingibang-bansa ang itatala sa iyong kapalaran. Ito ring ang magiging simula upang ang iyong tadhana sa larangan ng materyal na bagay at sa aspetong pagkakaperahan ay tuluy-tuloy na umasenso at lalo pang lumago hanggang sa kusang matupad ang pangarap n’yong mag-asawa na makapagpundar ng sariling bahay at lupa (Drawing A. at B. H-H arrow b.) na magsisimulang mangyari at matupad taong 2032 sa edad mong 41 pataas.
Comments