ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | November 9, 2022
Nababahala tayo sa pagtaas ng kaso ng cholera sa bansa ngayong 2022.
Ayon sa Department of Health, mula January 1 hanggang November 2 ay nasa 4,102 na ang kaso ng cholera sa bansa, na mas mataas ng 254 percent kaysa 2021. Nasa 1,159 kaso ang naitala noong 2021.
Sa 4,102 kaso, 52 percent o 2,132 ang kababaihan, habang 18 percent o 731 naman ay mga batang mula 5 hanggang 9 taong gulang.
Umabot na rin sa 37 katao ang namatay dahil sa sakit na ito.
Dagdag pa ng DOH, umabot na sa epidemic threshold sa mga nakaraang linggo ang Central Luzon, Western Visayas, at Eastern Visayas.
May positive growth rate din ang kaso ng cholera sa mga lalawigan ng Antique, Bataan, Negros Occidental, Northern Samar at lungsod ng Bacolod, Baguio, Zamboanga at Manila nitong huling 3-4 na linggo, ayon sa DOH Epidemiology Bureau.
☻☻☻
Ayon sa World Health Organization, ang cholera ay nakukuha sa pamamagitan ng pagkain o tubig na nakontamina ng Vibrio cholerae bacteria.
Nagdudulot ito ng lubhang pagtatae o severe diarrhea sa bata man o matanda at maaaring ikamatay kung hindi agad natugunan.
Madalas na kumakalat ito sa mga mahihirap na pamayanan na walang access sa malinis na tubig at maayos na sanitation facilities.
☻☻☻
Kailangang umaksyon ang pamahalaan upang sa lalong madaling panahon ay makontrol ang pagkalat ng sakit na ito.
Kung hindi natin agad matutugunan ay nanganganib na magkaroon ng outbreak nito.
Kinakailangang matukoy agad ng DOH at iba pang ahensya ang sanhi ng pagdami ng mga kaso sa iba’t ibang lalawigan ng bansa at ayusin kung anuman ang dapat ayusin.
Nananawagan na rin tayo na gawing prayoridad ang pagbibigay ng access sa ligtas at malinis na tubig sa ating mga kanayunan at mga mahihirap na pamayanan.
Makatutulong din ang pagkakaroon ng information drive upang maturuan ang mga kababayan kung paano makaiiwas sa cholera infection.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
Comments