Sarcopenia
ni Dr. & Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | December 07, 2021
Dear Doc Erwin,
Ako ay 55 years old at kamakailan ay napilitan akong mag-sick leave sa trabaho dahil sa panghihina ng aking katawan, pangangayayat, nahihirapan maglakad at madalas mawalan ng balanse at matumba. Nagpakonsulta ako sa kamag-anak naming physical therapist at sinabi niyang maaaring Sarcopenia ang dahilan ng aking mga nararamdaman. Ano ba ang Sarcopenia? Ito ba ay nagagamot? – Francisco R.
Sagot
Maraming salamat Francisco sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc.
Ayon sa European Working Group on Sarcopenia in Older People 2 (EWGSOP2) na nagkaroon ng muling pagtitipon noong 2018 ang Sarcopenia ay sakit kung saan nagkakaroon ng panghihina ang muscles sa ating katawan, bumababa ang dami at lumiliit ang muscles. Dahil dito ay nahihirapan maglakad, umakyat sa hagdan at magbuhat ang indibidwal na may Sarcopenia. Mas mataas din ang posibilidad na magkaroon ng fracture dahil sa fall o pagtumba.
Ang pagkawala ng muscle mass na tinatawag na Sarcopenia ayon sa Harvard Medical School ay kadalasan nararanasan ng tumatanda. Sa edad na 30 ay nag-uumpisa na ang pagkawala ng muscle mass. Mula 3 hanggang 5 porsiyento ng ating muscle mass ay maaaring mawala kada 10 taon. Sa kalalakihan ay maaaring mawala hanggang 30 porsiyento ng kanilang muscle mass.
Ano ang mga sintomas ng pagkakaroon ng Sarcopenia? Ang kadalasan na sintomas ay ang panghihina ng pangangatawan, at kawalan ng lakas upang gawin ang pang-araw-araw na gawain.
Nagkakaroon din ng pangangayayat dahil sa dahan-dahang pagkawala ng muscles mass at pagliit ng mga muscles. Dahil dito ay nababawasan ang physical activities ng taong may Sarcopenia.
Nauna ng nabanggit na ang kadahilanan ng Sarcopenia ay ang ating pagtanda. Ngunit may iba pang tinatawag na contributing factors kung bakit nagkakaroon ng Sarcopenia ang indibidwal. Isa na rito ay kung physically inactive ang indibidwal.
Dahil maaari ring magkaroon ng Sarcopenia ang mga aktibong indibidwal, naniniwala ang mga siyentipiko na may kinalaman ang pagbaba ng level ng mga hormones,7 tulad ng testosterone, growth hormone at insulin-like growth factor. Gayundin, ang unti-unting pagkawala ng nerve cells mula sa ating utak na nagko-control ng ating pagkilos.
Maaari rin maging dahilan ang kakulangan ng protina at calories upang suportahan ang ating mga muscles.
Tungkol sa iyong katanungan kung nagagamot ang Sarcopenia, bagama’t maaaring uminom ng testosterone at growth hormone supplements ang indibidwal na may Sarcopenia, may mga kaukulang adverse-effects ang pag-inom ng mga ito. Mas inirerekomenda ng mga doktor ang exercise kung saan ginagamit ang resistance band, weights o body weight sa page-exercise at paunti-unting daragdagan ang bigat, sets o repetitions ng exercise. Tinatawag itong Progressive Resistance Training o PRT.
Inirerekomenda rin ng mga doktor ang pagkain ng 1 gram hanggang 1.3 grams ng protina araw-araw sa mga may edad na nag-PRT upang makatulong sa pag-maintain ng muscle mass. Mas mataas ang pangangailangan sa protina ng mga may edad na dahil nakararanas sila ng tinatawag na anabolic resistance kung saan bumababa ang kapabilidad ng kanilang katawan sa pag-breakdown ng protina at paggamit nito upang gumawa ng muscle proteins.
Ang iyong mga nararanasan at nararamdaman ay maaaring Sarcopenia ayon sa mga sintomas na iyong binaggit at ayon sa mga kadalasan na sintomas ng Sarcopenia na ating nabanggit sa itaas.
Upang malaman kung ito nga ay Sarcopenia o iba pang sakit ay mas makabubuting sumangguni sa doktor upang ma-examine at dumaan sa mga kailangan na diagnostic examinations. Ang iyong kamag-anak na physical therapist ay makatutulong sa ‘yo upang gumawa ng Progressive Resistance Training program kung sakaling ikaw nga ay may Sarcopenia, ayon sa iyong doktor.
Sana ay nasagot ng artikulo na ito ang inyong mga katanungan.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com
Comments