ni Madel Moratillo @News | September 11, 2023
May 91 na kandidato sa October 30, 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections ang nabigyan ng show cause orders ng Commission on Elections dahil sa paglabag sa premature campaigning.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, binigyan ng 3 araw ang mga nasabing kandidato para magpaliwanag ng kanilang panig.
Sinabi ni Garcia na resulta ito ng mga nakita nila mismong nalabag habang ang iba ay nai-report sa kanila.
Puwede naman aniyang motu propio ay mag-imbestiga ang Comelec kahit walang pormal na reklamong inihain sa kanila. Muli namang binalaan ni Garcia ang mga lumalabag sa premature campaigning. Paliwanag ng poll chief, lahat ng kandidato na naghain na ng Certificate of Candidacy ay itinuturing nang kandidato. Puwede lang silang mangampanya sa October 19 hanggang 28.
Kahit paglalagay aniya ng poster o pag-promote ng sarili sa social media ay bawal dahil maituturing itong premature campaigning.
Babala ni Garcia, ang 91 na ito ay simula palang at masusundan pa sa mga darating na araw.
Comments