top of page
Search
BULGAR

Pangangalaga sa karapatan at kapakanan ng mga marino

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | September 30, 2023


Kabilang ang mga marinong Pilipino sa mga sektor na ating ipinaglalaban na maproteksyunan ang mga karapatan sa kanilang paghahanapbuhay.


Gaya ng iba nating mga overseas Filipino workers, malaking sakripisyo ang kanilang ginagawa para mabigyan lang ang kanilang pamilyang naiwan ng mas magandang kinabukasan.


Kaya naman masaya kong ibinabalita na noong September 27 ay nagkakaisang inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas para sa Magna Carta of Filipino Seafarers. Isa tayo sa may-akda at co-sponsor nito, habang si Senator Raffy Tulfo naman ang principal sponsor ng naturang panukala.


Para sa akin, ang pag-aapruba ng Senado ay isang tagumpay para sa ating mga marino at patunay sa hangarin ng mga mambabatas na mapangalagaan ang ating mga manlalayag. Maituturing sila na backbone ng ating maritime industry, at panahon na para mas kilalanin ang kanilang kontribusyon sa ating bansa.


Kung maging ganap na batas ito, malaking bagay ang malinaw na patakaran at pamantayan para sa proteksyon lalo pa at delikado ang kanilang trabaho at laging may banta sa kanilang buhay at kalusugan.


Sa pamamagitan din ng panukalang ito, mas makatitiyak din tayo na angkop sa global maritime standards ang kakayahan at kuwalipikasyon ng ating mga marino, lalo na’t ang Pilipinas ay itinuturing na malaking parte ng maritime industry sa buong mundo.


Ang ating mga pangarap noon para sa mga marino at iba pang migranteng Pinoy ay nagkaroon na ng katuparan. Kung matatandaan ay naisakatuparan na natin ang pangarap na malikha ang Department of Migrant Workers matapos lagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act No. 11641 noong December 2022. Tayo ay isa sa may-akda at co-sponsor nito sa Senado noon.


Mayroon na ring OFW Hospital sa Pampanga na itinatag noong nakaraang administrasyon. Bilang chair ng Senate Committee on Health, isinumite ko ang Senate Bill No. 2297, na naglalayong ma-institutionalize ang OFW Hospital at matiyak ang pangmatagalan nitong operasyon gaya ng pagkakaroon ng kinakailangang pondo, equipment at mga personnel. Mayroon na ring Malasakit Center sa OFW Hospital na iyon.


Ang mga ito ay hindi na lang panaginip kundi aktuwal na manipestasyon ng ating pagnanais na maipaglaban ang karapatan at kapakanan ng ating mga itinuturing na bagong bayani. Mahirap mawalay sa pamilya para lang mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang mga anak. Kaya gawin natin ang lahat sa abot ng ating makakaya na suportahan sila bilang pagkilala sa kanilang kontribusyon, nasaan man sila sa mundo.


Samantala, tuluy-tuloy naman ang ating paghahatid ng serbisyo sa mga komunidad dito sa ating bansa para sa ating mga kababayang higit na nangangailangan.


Kahapon, September 29, ay sinaksihan natin ang Duterte Cup 2023 Awarding Ceremony at ang 54th Founding Anniversary ng Lex Talionis kasama si dating Pangulong Duterte sa Orchard Golf and Country Club, Dasmariñas City, Cavite. Masaya ko ring ibinabalita na isinagawa na ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Inopacan, Leyte sa araw ring iyon.


Noong September 28 ay dumalo naman tayo sa 50th Anniversary of Diplomatic Relations sa pagitan ng Hungary at ng Pilipinas sa Taguig City. Naimbitahan din tayo sa Pambansang Samahan ng Inhenyero Mekanikal Inc. (PSIM) 3rd National Convention na idinaos sa SMX Convention, Center Pasay bilang guest of honor and speaker. Sa araw ring iyon ay nagkaroon na ng groundbreaking ang itatayong Super Health Center sa Tanauan, Leyte.


Noong September 27 ay guest speaker naman tayo at nagbigay ng inspirasyon sa ginanap na 34th commencement exercises sa Tarlac State University sa Tarlac City. Matapos ito ay dumiretso tayo sa Talugtug, Nueva Ecija at personal na pinangunahan ang pamamahagi ng tulong sa 1,000 mahihirap na residente, katuwang ang tanggapan ni Cong. GP Padiernos at ng GP Partylist.


Nakarating naman ang aking opisina sa iba’t ibang bahagi ng bansa para alalayan ang ating mga kababayan na nangangailangan ng tulong. Naayudahan ang mga naging biktima ng sunog gaya ng 28 sa Tacloban City, Leyte; 13 sa General Santos City; at isa sa Palo, Leyte. Natulungan din ang 1,000 mahihirap na residente ng Lupao, Nueva Ecija.


Sa Caloocan City, 44 na benepisyaryo ng emergency housing assistance mula sa National Housing Authority ang ating binigyan ng dagdag na tulong. Ang programang ito ay isinulong natin noon at patuloy na sinusuportahan para may maibili ng housing materials gaya ng pako at yero ang mga nasunugan. Naalalayan din natin ang 233 mahihirap na residente ng Siniloan, Laguna, at 426 na displaced workers mula sa Cabanglasan, Bukidnon.


Hindi ako pulitikong nangangako. Gagawin ko lang ang lahat sa abot ng aking makakaya na ipagpatuloy ang ating mga pagsisikap na maipaglaban ang karapatan at kapakanan ng bawat sektor ng ating lipunan.


Sa loob at labas man ng Senado, kakampi ninyo ang inyong Senator Kuya Bong Go na ang bisyo ay magserbisyo sa bawat Pilipino lalo na ang mga mahihirap at pinakanangangailangan ng ating tulong at malasakit, nasaan man sila sa mundo.


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page