top of page
Search
BULGAR

Pangalagaan natin ang buhay, kalusugan at kapakanan ng bawat Pilipino

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | August 17, 2024


Bisyo Magserbisyo ni Bong Go

Bilang chairperson ng Senate Committee on Health, ang paalala ko sa ating mga kababayan, makinig tayo sa ating mga health worker at sumunod sa mga health protocols. Sa gitna ng ating pagharap sa mga kalamidad tulad ng bagyo, mahalaga na tayo ay maging maingat sa mga banta sa ating kalusugan. ‘Ika nga nila, health is wealth. Tandaan na ang kalusugan ay katumbas ng buhay ng bawat Pilipino!


Matapos ang pananalasa ng Bagyong Carina, nakababahala ang biglang pagdami ng kaso ng leptospirosis. Kaya suportado natin ang panukala ng Department of Health na ipagbawal ang paglalangoy sa baha na nagiging sanhi nito at ng iba pang sakit. Batay din sa datos ng DOH, mahigit 60 percent ng mga kaso ng mga pasyenteng tinamaan ng leptospirosis sa San Lazaro Hospital sa Maynila ay moderate to severe.


Sa mga tinamaan ng sakit — lalo na ang mga mahihirap, paalala lang na nandiyan ang ating isinulong na mga Malasakit Centers na handang tumulong sa inyong pagpapagamot. Nasa iisang kuwarto na sa loob ng mga piling pampublikong ospital ang mga ahensya na may medical assistance programs para hindi na kayo mahirapang humingi ng tulong sa gobyerno. Sa totoo lang, pera iyan ng taumbayan na ibinabalik lang sa inyo sa pamamagitan ng mabilis at maaasahang tulong pampagamot.


Tayo ang principal author at sponsor ng Republic Act No. 11463, o ang Malasakit Centers Act of 2019, na nag-institutionalize sa Malasakit Centers program. Mayroon nang 166 Malasakit Centers sa buong bansa at batay sa datos ng DOH ay nasa humigit-kumulang 10 milyong Pilipino na ang nagbenepisyo rito.


Patuloy rin nating isinusulong ang pagkakaroon ng Super Health Centers sa mga komunidad upang ilapit sa tao ang serbisyo medikal tulad ng primary care, pagkonsulta, at early disease detection. Katuwang natin sa inisyatibang ito ang mga kapwa natin mambabatas, ang DOH at mga lokal na pamahalaan para mapondohan ang pagpapatayo ng mahigit 700 Super Health Centers sa buong bansa.


Tayo rin ang naging principal sponsor at isa sa mga may-akda ng Republic Act No. 11959, o ang Regional Specialty Centers Act. Ito ay isang malaking tagumpay sa ating adhikain na maihatid ang serbisyong medikal sa ating mga kababayan sa bawat rehiyon na nangangailangan ng specialized care tulad ng mga may sakit sa puso, baga, kidney, at iba pa.


At para mas mapalakas pa ang ating healthcare system, isinusulong din natin ang Senate Bill No. 195, na naglalayong maitatag ang Center for Disease Control (CDC). Isinumite rin natin ang SBN 196, na magtatatag sa Virology Science and Technology Institute kapag naisabatas. Ang mga ito ay para mas mapag-aralan, ma-detect at matugunan ang panganib na hatid ng mga nauuso at paulit-ulit na sumusulpot na mga sakit.


Samantala, tuluy-tuloy ang ating pagseserbisyo sa ating mga kababayan upang magbigay ng tulong sa abot ng ating makakaya, masuportahan ang mga programa at proyekto na makakapagpaunlad ng kanilang lugar, at makapag-iwan ng ngiti sa oras ng kanilang pagdadalamhati.


Naging guest of honor tayo noong August 14 sa ginanap na Vice Mayors League of the Philippines (VMLP) Summit sa Iloilo City sa paanyaya ni Iloilo City Vice Mayor Jeffrey Ganzon; VMLP National President at San Mariano, Isabela Vice Mayor Dean Domalanta; National Chairman at Malabon City Vice Mayor Bernard dela Cruz; National Vice Chairperson for Visayas at Lambunao, Iloilo Vice Mayor Arvin Losaria; at iba pang vice mayors ng bansa. Nagpapasalamat tayo sa resolusyong kanilang inihain na nagpapakita ng kanilang suporta sa ating mga adhikain.


Bumisita naman tayo sa Negros Occidental noong August 15 at personal na pinangunahan ang pagkakaloob ng tulong sa 507 residente ng San Enrique na natulungan na rin natin nang manalasa ang Bagyong Egay. Bukod sa dagdag-suporta na ating naipagkaloob, nabigyan din sila ng NHA ng emergency housing assistance na ating isinulong para may pambili sila ng materyales tulad ng pako at yero sa pagpapaayos ng kanilang mga tahanan.


Nagbalik tayo noong araw na iyon sa Iloilo para mag-inspeksyon sa itinayong Super Health Center sa Estancia at nagbigay ng tulong tulad ng food packs sa Barangay Health Workers. Tayo rin ay namahagi ng tulong para sa 1,000 mahihirap na residente sa lugar. Dagdag dito, may 1,500 pa galing sa iba’t ibang sektor na nakatanggap din ng tulong mula sa atin bukod sa tulong pinansyal na ating isinulong kasama si Mayor Chic Mosqueda kaagapay ang iba pang lokal na opisyal tulad ni VM Mark Cordero at mga konsehal.


Sa ating pagbisita ay nakasama natin si Cong. Boboy Tupas na nakipagtulungan sa atin sa pagpapatayo ng bagong seafood market sa Estancia. Hinatiran din natin ng tulong ang 500 displaced market vendors doon bukod sa pansamantalang trabaho mula sa gobyerno.


Naging panauhing tagapagsalita naman tayo kahapon, August 16, sa 54th Annual Convention ng Philippine Association of Schools of Medical Technology and Public Health na ginanap sa Valenzuela City sa paanyaya ng kanilang presidente na si Dr. Jose Jurel Nuevo. Ibinahagi natin ang ating pag-file ng Senate Bill No. (SBN) 2503, o ang magiging “Philippine Medical Technology Act of 2023” kung maisabatas. Layunin nito na mas makasabay ang ating medical technologists sa global standards ng kanilang larangan, maisulong ang kanilang kapakanan, at ma-update ang mga kasalukuyang umiiral na batas na ilang dekada nang nandiyan na gumagabay sa sistema ng medical technology sa ating bansa.


Hindi naman tumitigil ang aking Malasakit Team sa pag-alalay sa mga kababayan nating nahaharap sa iba’t ibang krisis tulad ng walong naging biktima ng insidente ng sunog sa Rizal, Laguna kung saan nakatanggap din sila ng tulong mula sa Department of Human Settlements and Urban Development. Namahagi rin tayo ng food packs para sa 500 residente na apektado ng oil spill sa Limay, Bataan katuwang si VM Richie David. Naabutan din natin ng tulong ang tatlong pamilya na biktima ng sunog sa Cateel, Davao Oriental.


Tuluy-tuloy din tayo sa pagtulong sa mga nawalan ng hanapbuhay. Sa Romblon, naayudahan ang 51 sa San Agustin katuwang si VG Armando Gutierrez; 73 sa Ferrol kaagapay si Mayor Christian Gervacio; 44 sa Odiongan katuwang sina Board Member Venizar Maravilla at ABC President Milo Maulion. Sa Muntinlupa City ay 41 ang natulungan kaagapay si Christian Gravador; 33 sa Dasmariñas City, Cavite kasama si BM Nikol Austria; at 111 sa Bongabong, Oriental Mindoro katuwang si BM Lito Camo.


Pangalagaan natin ang buhay, kalusugan at kapakanan ng bawat Pilipino. Bilang inyong Mr. Malasakit, patuloy akong magseserbisyo sa abot ng aking makakaya dahil bisyo ko na ang magserbisyo, at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page