top of page
Search
BULGAR

Pangalagaan at pahalagahan ang mental health ng ating kabataan!

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Dec. 11, 2024



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go

Isa sa mga prayoridad natin ay ang mga kabataan, lalo na pagdating sa kanilang mental health. Dahil na rin sa epekto ng COVID-19 pandemic, mas naging talamak ang usapin ng mental health kaya’t tinitingnan na natin ito ngayon sa mas malawak na perspektiba.


Nakakalungkot na sa panahon ng krisis, maraming kabataan ang naapektuhan ang mental health. Noong 2021 sa kasagsagan ng pandemya, batay sa datos ay mahigit 400 Filipino learners ang kinitil ang sariling buhay, habang higit isang libo ang nagtangkang mag-suicide. Mahigit 22 porsyento ng ating mga kababayan ang napaulat na humingi ng professional help sa mga mental health professionals.


Bilang chairperson ng Senate Committees on Health at on Youth na nagsusulong ng mga repormang pangkalusugan sa ating bansa lalo na para sa kabataan na pag-asa ng ating bayan, masaya kong ibinabalita na isa nang batas ang Republic Act No. 12080, o ang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act noong December 9. Co-author at co-sponsor tayo ng bagong batas na ito na naglalayong matugunan ang nakababahalang mental health issue sa mga kabataang estudyanteng Pilipino. 


Sa ilalim ng RA 12080, hindi lang magtatayo ng care centers para sa mental health services sa lahat ng pampublikong paaralan, kukuha rin ng professionals na may sapat na kakayahan para sa serbisyong ito. Isa itong mahalagang hakbang para maitaas ang antas ng kamalayan sa isyu ng mental health. Ang mga guro at guidance counselors ang kaagapay natin sa pagbibigay ng suporta sa mga estudyante sa harap ng kanilang mga pagsubok na pinagdaraanan. Ang mental health issues ay hindi kahinaan kundi bahagi ng ating kalusugan na dapat nating tutukan at solusyunan.


Dahil buhay at kinabukasan ang nakataya, kailangang gawing mas accessible at abot-kaya ang serbisyong pangkalusugan ng isip para sa lahat ng mag-aaral. Hindi nila dapat maramdaman na mag-isa lang sila sa kanilang mga laban.


Dagdag dito, hindi natin dapat kalimutan ang mga mag-aaral sa state colleges and universities lalo na sa panahon ngayon kung saan ramdam pa rin natin ang epekto ng pandemya, mga isyu ng ekonomiya, at hirap na dulot ng mga sakuna. Isinusulong din natin ang Senate Bill No. 2598, o ang panukalang State Universities and Colleges (SUCs) Mental Health Services Act bilang isa sa mga may akda at co-sponsor nito. Kapag maisabatas, layunin nitong magpatayo ng Mental Health Offices sa bawat SUC campus para sa komprehensibong suporta at intervention sa mga estudyante, pati na sa faculty at staff.


Kailangan ding matiyak ang maayos na implementasyon ng RA 11036, o ang Philippine Mental Health Act, na naisabatas noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Sa ilalim nito, ginagarantiyahan na ang bawat Pilipino ay may karapatang magkaroon ng access sa mental health care. Layunin din nito na maisama ang mental health programs sa ipinatutupad na programang pangkalusugan sa mga barangay at komunidad. 


Ang malinaw at payapang pag-iisip ay isang karapatan ayon mismo sa World Health Organization. Bilang inyong Senator Bong Go, patuloy kong isusulong ang mga programa para walang Pilipinong maiiwan at mapapabayaan. 


Samantala, nasa Davao De Oro tayo noong December 7 at nag-inspeksyon sa itinayong multi-purpose building at Super Health Center sa Maco. Personal din nating pinangunahan ang pamamahagi ng tulong sa 521 residenteng nabiktima ng landslide, na nakatanggap din ng emergency housing allowance mula sa NHA na ating isinulong para may pambili sila ng materyales na pampaayos ng kanilang nasirang tahanan. 

Sinaksihan natin sa pamamagitan ng video call at nagpaabot tayo ng mensahe noong December 8 sa ginanap na Panlalawigang Pederasyon ng mga Sangguniang Kabataan-Iloilo Province Year End Assessment Opening Ceremony sa Aklan sa paanyaya ni PPSK President BM Esara Javier; gayundin ang idinaos na Barangay Councilors League of the Philippines - Cebu City Christmas Party sa Cebu City sa imbitasyon ni BCLP Cebu President Dante Tabucal. 


Ginawaran naman tayo ng parangal bilang Premier Achiever Outstanding Public Servant sa 2nd Southeast Asian Premier Business and Achiever Award na idinaos sa Maynila. Nagpapasalamat tayo sa pagkilalang ito. With or without award, tuluy-tuloy lang ang pagseserbisyo ko sa mga Pilipino.  


Noong December 9 at kahapon, December 10, dumalo tayo sa ginanap na KABAKA 39th Anniversary sa Ninoy Aquino Stadium, sa paanyaya nina former representatives Crystal Bagatsing at Amado Bagatsing. Sumuporta rin tayo sa ginanap na Liga ng mga Barangay Bulacan Chapter Year End Assembly sa Malolos City, Bulacan sa imbitasyon ni LNB Chapter President Fortunato Angeles. 


Wala ring patid ang paghahatid ng tulong ng ating Malasakit Team. Naalalayan natin ang mga naging biktima ng magkakahiwalay na insidente ng sunog kabilang ang 20 sa Davao City; tatlo sa Iloilo City; at 62 sa Cagayan de Oro City.


Binalikan natin at muling binigyan ng tulong ang mga naging biktima ng kalamidad gaya ng 380 sa Cebu City, Talisay City at Minglanilla, Cebu; at 19 sa Cagayan de Oro City. Nakatanggap din sila ng emergency housing allowance mula sa NHA sa ilalim ng programang ating isinulong.  


Naabutan natin ng tulong ang 200 mahihirap na residente ng Sta. Teresita, Batangas, na sa ating pakikipagtuwang kay VM Marie Segunial ay nakatanggap din ng financial assistance mula sa gobyerno. 


Gayundin, ang 53 nawalan ng hanapbuhay sa Bustos, Bulacan kaagapay si VM Martin Angeles — na sa ating pakikipagkapit-bisig sa DOLE ay nabigyan ng pansamantalang trabaho. 


Nagbigay din tayo ng dagdag na tulong sa 2,000 TESDA graduates sa Ormoc City at Tacloban City katuwang ang Philippine Call Center Institute. 


Bilang inyong Mr. Malasakit, isa sa mga prayoridad natin ang ating mga kabataan dahil sila ang future leaders at pag-asa ng ating bayan. Pangalagaan natin ang mental health dahil ang kalusugan ay katumbas ng buhay ng bawat Pilipino. Patuloy akong magseserbisyo sa inyong lahat dahil bisyo ko na ang magserbisyo, at naniniwala akong ang serbisyo sa tao ay serbisyo rin sa Diyos.


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

תגובות


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page