ni Judith Sto. Domingo @Asintado | January 10, 2024
Kamakailan, pinaalalahanan natin ang ating mga masugid na mga mambabasa na pakabusisiing mabuti ang mga ipinadadalang singilin ng mga telecommunications companies o telco para tiyaking tama ang mga ito.
Ibinahagi ko rin sa inyo ang aking naging karanasan sa Smart Communications Inc. kung saan mayroon akong postpaid subscription sa ilalim ng kanilang tinatawag na “signature plans”. Tatlong magkakasunod na buwan akong pinadalhan ng billing na mali at sobra ng libong piso sa kanilang dapat singilin sa akin.
Tatlong magkakasunod na buwan rin akong kinailangang maabalang tumawag sa kanila para maghain ng kaukulang dispute. Noong Disyembre, pinangakuan ako ng Smart na hindi ko na makikita pang muli ang panibagong mali at sobrang billing sapagkat titiyakin nilang maaayos na nila ito.
Noong Biyernes, nakatanggap ako ng panibagong email sa Smart na muling naniningil sa ‘kin ng libong pisong sobra sa dapat kong bayaran sa katapusan ng Enero.
Pangakong napako ng Smart! Ikaapat na buwan na ito ng maling singilin at kinailangan ko uling maghain ng panibagong dispute.
Noong Sabado ng 2:45 p.m., nagpadala ng text message ang Smart: “Your dispute on usage charges concern with case ID number 0022979403 is in progress. Our support team is working on it. We’ll update you again within 24 hours”. Pero lumipas ang 24 oras, wala namang bagong update ang Smart.
Bakit ba sa loob ng apat na buwan ay hindi maayus-ayos ng Smart ang kanilang billing sa ilalim ng ipinagmamalaki nilang “signature plans” na may hardstop feature, kung saan dapat tigil na ang data browsing charges kapag naabot na ang limit sa ilalim ng piniling plan ng subscriber.
Aba’y madalas iyan mangyari noon sa ilalim ng luma nilang “legacy plans” pero hindi na dapat ngayon ito nangyayari sa ilalim ng kanilang ipinapangalandakang “signature plans”.
Anong misteryo ang nasa likod ng aberyang ito sa sistemang teknikal ng Smart? Bakit noong magsimula ako sa ilalim ng bago nilang “signature plan” ay walang overcharging para sa data usage, ngunit matapos ang isang taong mahigit ay bigla na lamang sumulpot ang sunud-sunod na buwang sobra-sobra ang kanilang sinisingil? Paanong tila bumalik sa legacy plan ang signature plan? Ilang subscriber kaya ang apektado rito?
Nananawagan tayo kay National Telecommunications Commission head Ella Bianca Lopez na pasagutin ang Smart Communications Inc. sa paulit-ulit nitong erroneous billing at overcharging na ipinadadala sa subscriber na tulad ko. Magsilbing opisyal na complaint ko ito sa NTC upang hindi na marami pa ang dumanas ng mga ganitong perhuwisyo at abala sa kamay ng mga telco.
Isang malaking pribilehiyo ang mabigyan ng prangkisa para makapag-operate bilang isang telco sa bansa. Pasan-pasan ng binibigyan ng prangkisang ito gaya ng Smart ang pagsilbihan nang tapat at maaasahan ang mga mamamayan.
Anlalaki pa naman siguro ng suweldo at bonuses ng mga opisyal at tauhan ng Smart Communications Inc., kaya dapat lamang nilang suklian ng maayos na serbisyo ang mga subscriber sa halip na pagurin nila sa paghahain ng paulit-ulit na reklamo kada buwan dahil sa paulit-ulit na kamalian ng kumpanya.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comments