ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | December 16, 2023
Nakakuha ng kakampi ang transport group sa katauhan ni Sen. Grace Poe nang muli itong manawagan na rebyuhin ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) dahil sa wala umano itong ‘safety nets’ para sa mga driver at operator na siyang papasan ng bigat ng consolidation deadline sa Disyembre 31, 2023.
Ayon kay Sen. Poe, chair ng Senate committee on public services, nakakaalarma umano na hindi naaprubahan ang mga isinusulong nilang proteksyon para sa mga pondo ng drivers hinggil sa PUVMP.
Para sa taong 2024, ang programa umano ay may nakalaang P1.6 bilyong pondo, subalit hindi kasama rito ang mga hakbangin para maprotektahan ang kabuhayan ng mahigit 300,000 tsuper.
Sinabi pa ni Sen. Poe na inaasahan umano nila ang pangako ng Department of Transportation (DOTr) na muling pag-aralan ang programa bago pa dumating ang deadline ngunit lumipas ang maraming taon ay napako na ang kanilang ipinangako.
Ngunit, ang mga pahayag na ito ni Sen. Poe ay wala nang saysay makaraang manindigan si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. (P-BBM) na mananatili sa Disyembre 31, 2023 ang deadline sa consolidation ng mga public utility vehicles.
Ito ay sa kabila ng sunud-sunod na tigil-pasadang isinasagawa ng ilang transport group na naniniwalang magreresulta umano ang lahat ng ito sa jeepney phaseout.
Ang naging desisyon ni P-BBM ay bunga ng pakikipagpulong nito sa ilang transport official at lumitaw na 70% ng PUV operators ang tumalima na sa consolidation sa ilalim ng PUVMP at ayaw umano ng Pangulo na maantala ang programa dahil sa pagtutol lamang ng iilan.
Tila sa bahaging ito nagkaroon ng hindi pagkakaisa ang mga transport group dahil sa hati-hati sila sa kanilang desisyon. May pabor sa consolidation na siyang kinonsulta ni P-BBM ngunit hindi naman niya nakaharap ang mga grupong tutol.
Alam naman natin na sa ilalim ng consolidation, inoobliga ang mga jeepney operator na bumuo ng kooperatiba o korporasyon upang dito ibubuhos ang pondo na pambili ng modernized jeepney.
Kaya kahit pikit-mata ay itinuloy pa rin ng grupong Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) ang dalawang araw na jeepney strike nitong nagdaang Huwebes at Biyernes dahil tinatayang 80% ng mga operator ang tatanggalan ng prangkisa.
Dismayado ang PISTON sa naging desisyon ni P-BBM na hindi na palawigin ang deadline dahil hindi na umano dapat pang maantala ang programa kung saan mayorya naman ng mga operator, bangko, financial institutions, maging ang publiko ay sang-ayon dito.
Para naman sa United Transport Consolidated Entities of the Philippines, pabor sila na hindi na ma-extend ang deadline lalo’t 2017 pa nasimulan ang programa at ilang ulit na rin itong pinalawig at panahon na umano para magkaroon ng pagbabago sa pampublikong transportasyon.
Dahil dito, nagbabala naman si DOTr Secretary Jaime Bautista na babawian ng prangkisa ang mga jeepney operator na nagkasa naman ng panibagong tigil-pasada laban sa PUVMP, na ang ibig sabihin ay hindi na maaaring bumiyahe kung walang prangkisa ang isang sasakyan.
Malakas ang loob ng DOTr dahil sa sobra-sobra umano ang mga jeepney na bumibiyahe sa National Capital Region (NCR) at kakayaning punan ng mga PUV operator na lumahok sa consolidation ang mga ruta para sa pangangailangan ng publiko.
Kaugnay nito, magbubukas ng mga priority lane ang DOTr para sa natitirang mga driver at operator na hindi pa naisasama sa isang korporasyon o kooperatiba habang nanindigan ang departamento na hindi palalawigin ang deadline sa Disyembre 31, na kinatigan pa ni P-BBM.
Kabilang sa requirements para sa konsolidasyon ay ang pinakabagong LTO Official Receipt at Certificate of Registration (OR at CR), SEC Certificate of Registration/Certification (para sa corporation) o CDA Registration/OTC Certification (para sa cooperative) at affidavit of conformity ng indibidwal na operator na handang sumali sa isang kooperatiba o korporasyon.
Patunay ito na ang pagkakahati-hati ng mga transport group, ang nagpagaan sa pamahalaan upang ituloy na itong PUVMP dahil hindi naman solido ang tumututol.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comments