ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | October 26, 2022
Dear Sister Isabel,
Gusto kong humingi ng payo sa inyo tungkol sa kuya ko. Hindi ko siya tunay na kapatid dahil inampon lamang siya ng mga magulang ko.
Ang problema, may pagnanasa siya sa akin at kapag kami lang ang naiiwan sa bahay, hinihipuan niya ako sa maselang parte ng aking katawan, ngunit hindi ako makapalag dahil tinatakot niya ako na may masamang mangyayari sa akin ‘pag nagsumbong ako sa mga magulang namin. Sinasabi niya na papatayin niya ako at magpapakamatay din siya.
Minsan ay sinasadya kong hindi umuwi sa amin at nagdadahilan ako sa parents ko na may group project kami, kaya ru’n muna ako natutulog sa bahay ng kaklase ko, pero sa totoo lang ay natatakot ako na baka hindi lang panghihipo ang gawin niya at mabuntis ako nang hindi inaasahan.
Sister, walang nakakaalam ng sitwasyon ko kundi kami lang ng kuya ko. Natatakot akong magsumbong dahil sa banta niya na may masamang mangyayari sa akin kung magsusumbong ako. Tulungan n’yo ako, Sister Isabel, dahil hindi ko na talaga alam ang gagawin.
Nagpapasalamat,
Digna ng Pampanga
Sa iyo, Digna,
Nakikisimpatya ako sa problema mo dahil napakahirap at napakadelikado ng sitwasyon mo ngayon. Ipinapayo ko na sabihin mo sa teacher mo ang nangyayari sa iyo dahil siya ang bahalang kumausap sa mga magulang mo para mailagay sa tama ang lahat at matulungan ka sa dinaranas mo ngayon bago pa mahuli ang lahat.
Naniniwala ako na mauunawaan ng mga magulang mo ang iyong problema at sa lalong madaling panahon ay ilalayo nila sa iyo ang kuya mo. Gayunman, ihanda mo ang iyong sarili sa susunod na mangyayari. Hingin mo rin ang tulong ng Diyos at magdasal ka nang taimtim na palagi ka Niyang protektahan at iligtas sa lahat ng panganib at kapahamakan.
‘Ika nga, lahat ng problema ay may kalutasan. Natitiyak ko na matatapos na ang problema mo at mailalagay na sa tama ang lahat.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo
Commentaires